MANILA, Philippines — Inaprubahan ng House of Representatives nitong Miyerkules ang ilang panukalang kabilang sa mga prayoridad na hakbang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isinagawang special session ng Kongreso.
Ayon sa ulat, 213 kongresista ang dumalo sa special session.
Kasabay nito, binati ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III si Sen. Sherwin Gatchalian sa kanyang pormal na pagkahalal bilang Senate President.
“The House of Representatives congratulates Senator Sherwin Gatchalian on his formal election as Senate President. This development comes at an important time as both houses of Congress continue to carry out their constitutional responsibilities and act on issues that have a direct impact on the lives of Filipinos,” ani Dy.
Ipinatawag ni Pangulong Marcos ang special session upang talakayin ang ilang mahahalagang panukala. Ayon sa Kamara, naaprubahan na nito ang walong prayoridad na panukalang binanggit ng Pangulo, kabilang ang Anti-Political Dynasty Act.
Kasalukuyang nasa bicameral conference committee na ang mga sumusunod na panukala:
* National Center for Geriatric Health;
* Amendments to the Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) Act;
* Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Act; at
* Amendments to the Universal Access to Quality Tertiary Education (UAQTEA) Act.
Samantala, nakabinbin pa sa antas ng komite ng Senado ang mga panukalang amyenda sa Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act at ang Presidential Merit Scholarship Program.
Kapwa naaprubahan naman ng Kamara at Senado ang Last Mile and Geographically Isolated and Disadvantaged and Conflict-Affected Areas (GIDA) Schools Act na naglalayong magtayo ng mga paaralan at access roads sa mga liblib at conflict-affected areas.
Nananatili namang nakabinbin sa ikalawang pagbasa sa Senado ang Anti-Political Dynasty Act.
Ayon kay House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, kailangang magkaroon ng kompromiso upang maipasa ang panukala sa Kamara.
“I am of the opinion and we have seen it… If we make that bill strict; constrictive, mawawala ang suporta ng (it will lose support in the) Lower House,” ani Marcos.
“It was really a matter of getting it through already, for the House to pass it, to get the conversation started. This is not the final result of what the bill would be. Hindi po ito batas,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ng ACT Teachers Party-list na patuloy nitong babantayan ang magiging bersyon ng Senado at ang pinal na panukalang maaaring makarating sa Pangulo.
“Wala rin tayong illusion. Alam naman natin sa Senado, magkakapatid nga ang nandiyan eh. Now, ‘yung Senate kailangan bantayan natin. Anong gagawin nila? May ipapasa ba silang version? And after that, the bicam,” ani ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio.
Sa Senado naman, tinalakay sa plenaryo ang ilang panukala kabilang ang Magna Carta of Barangay Health Workers.
Nanawagan din si Sen. Bam Aquino sa mga komite ng Senado na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay ng pagkamatay ng dalawang student-athletes ng Ateneo de Manila University.
Samantala, sinabi ni Sen. Erwin Tulfo na hindi pa nararatipikahan ng Kongreso ang AICS bill dahil may ilang miyembro ng Kamara na tumatangging lumagda sa panukala.
“Dapat ang pagbibigay AICS o ayuda ay wala ng kasamang politiko, o siya mismo ang nagbibigay ng ayuda sa tao, na ang pondo galing sa DSWD. Sa totoo lamang po ay hindi naman po ito pera ng politiko, ito po ay pera ng taumbayan,” ani Tulfo.
Bukod dito, kinumpirma rin ng Commission on Appointments ang appointment ng limang opisyal ng Armed Forces of the Philippines at 85 opisyal ng Department of Foreign Affairs. RNT