MANILA, Philippines – Sa kabila ng testimonya ng dating miyembro, mahigpit na itinanggi ni Pastor Apollo C. Quiboloy ang pagkakaroon ng private army na tinaguriang “angels of death” na pumatay ng miyembro na kumakalas sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Sa pagpapatuloy na imbestigasyon ng Senado sa pamumuno ni Senador Risa Hontiveros hinggil sa pang-aabuso, panggigipit at pamomolestiya ni Quiboloy sa miyembro, itinanggi nitong may itinayo siyang private army.
“‘Yan po ay kasinungalingan at kung ‘yan ay akusasyon, hinihiling ko ang accuser na mag-file siya ng kaso laban sa akin,” tugon ni Quiboloy kay Hontiveros na naagtanong hinggil sa naturang private army.
Ayon kay Quiboloy na pawang imbento lamang ng miyembro ang sinasabing “angels of death” na pumapatay sa sinumang kumakalas o marami nang nalalalaman sa modus operandi ng lider ng KOJC.
Ibinulgar sa naturang pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, ni Eduard Ablaza Masayon, dating miyembro ng 2nd Signal Battalion, na pumatay ang “angels of death” sa utos ni Quiboloy upang ipakita ang kanilang katapatan sa kanya.
“‘Yung angel of death kasi, ‘yung mga pumapatay po, lalo na sa mga kasamahan ko na mga worker na napatay na, bale… for example ako po, kapag nakitaan ako ng loyalty, talagang gusto kong ipakita ‘yung faithfulness ko sa ministry, sa anak ng Diyos, maaari kong gawin ‘yun (pumatay),” ayon kay Masayon.
“‘Yung angel of death nabuo ‘yun do’n sa mga against sa kaniya… Papatayin ‘yung mga pamilya nila, ‘kapag lumabas, ‘kapag marami silang alam. ‘Pag lumabas sila… Hindi na sila maaaring lumabas sa ministry, sa poder niya. ‘Yung maraming alam po, lalo na sa pastoral,” giit pa ng dating miyembro.
Naunang binanggit ang “angel of deaeth ng ilang biktima ng panggagahasa ni Quiboloy na nagsumbong sa pulisya.
Tanging si Quiboloy ang nagbibigay ng utos para pumatay ng dating KOJC member, ayon kay Masayon.
“Hindi naman namin gagawin ‘yun kung hindi iniutos mula sa taas. Sino ba kami? Magagalit lang kami sa isang worker, sa isang tao na against sa ministry na lumabas, galit lang. Pero kapag iniutos niya na gawin namin ‘yan, gagawin talaga namin yun,” ayon kay Masayon.
Ayon kay Masayon, na nagsimulang magsilbi kay Quiboloy noong 15 anyos pa lamang tio, na hindi sila pinapayagan ng tumulong o magbigay ng pagkain sa sinumang inabuso dahil baka masangkot ka pa.
Itinanggi ni Quiboloy ang alegasyon ng pang-aabusong seksuwal.
“Wala pong katotohanan iyong kanilang mga sinabi. Maaari po sila mag-file ng kaso. Haharapin ko po sa tamang forum, sa korte,” ayon kay Quiboloy.
“Itinatanggi ko po [ang mga akusasyon]. Wala pong katotohanan. Wala pong katotohanan. Hinahamon ko po sila na mag-file ng kaso laban sa akin o kanino man na KOJC leader or member,” dagdag ng lider ng KOJC.
Nagsasagawa ng imbetigasyon ang Senate Committee on Women, Children and Gender Equality sa tulong ng pagsasabatas upang tukyin kung paano babaguhin ang anti-human trafficking law na itinatago ang large-scale and systemic acts of trafficking sa likod ng religious organization.
Nahaharap si Quiboloy ng kasong qualified human trafficking, isang non-bailable offense, saPasig court. Kabilang ang child and sexual abuse sa Quezon City court. Ernie Reyes