MANILA, Philippines – Ang Lalawigan ng Apayao sa Cordillera Administrative Region sa Luzon ay kabilang sa bagong 11 biosphere reserves na idineklara ng UNESCO.
Napagpasyahan ang 11 bagong biosphere reserves sa ika-36 na sesyon ng International Coordinating Council of the Man at ng Biosphere Program ng UNESCO na ginanap sa Agadir, Morocco sa unang bahagi ng buwang ito.
Ang Apayao ay kinokonsiderang “Last Frontier of Cordillera,” ay ang ikaapat na biosphere reserve sa Pilipinas. Ang iba pa ay ang Palawan, Puerto Galera sa Oriental Mindoro, at Albay sa Bicol.
Ayon sa ulat, sinimulan ng local government unit ng Apayao ang kanilang bid na maitalaga bilang UNESCO biosphere reserve noong 2018 matapos nitong matuklasan ang aktibong pugad ng mga Philippine eagles sa kagubatan ng Apayao.
Ito ay sa pakikipagtulungan ng LGU kasama ang Philippine Eagle Foundation at Department of Environment and Natural Resources.
Ang mga lugar sa lalawigan ay pinoprotektahan na ngayon para sa biodiversity conservation.
Ang Biospehere reserves ay “mga lugar ng pag-aaral para sa napapanatiling pag-unlad” at itinalaga ng UNESCO upang itaguyod ang sustainable development, protektahan ang terrestrial marine, at coastal ecosystem, at hikayatin ang konserbasyon.
Bukod sa Apayao sa Pilipinas, ang iba pang bagong idineklarang biosphere reserves ng UNESCO ay matatagpuan sa Belgium, Gambia, Colombia, Dominican Republic, Italy, Mongolia, Kingdom of the Netherlands, Republic of Korea, Slovenia, at Spain.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)