Home NATIONWIDE Problema sa iligal na droga matutugunan sa 2025 nat’l budget – Sen....

Problema sa iligal na droga matutugunan sa 2025 nat’l budget – Sen. Tol

MANILA, Philippines – TIWALA si Senate Majority Leader Francis Tolentino na matutugunan ng kanilang napagkasunduan sa Bicameral Conference Committee ang problema sa ipinagbabawal na droga sa bansa.

Ito ang sinabi ni Sen. Tolentino sa kanyang talumpati sa 2024 Anti-Drug Abuse Council Performance Award kung saan nagsilbi itong guest speaker na ginanap sa The Tent, Manila Hotel.

Ayon pa kay Tolentino, bilang Majority Leader ng senado ay nilagdaan na nito ang 300 pahinang Bicam report nitong Miyerkules ng umaga para sa 2025 national budget na nakatakdang ratipikahan ng dalawang kapulungan.

Aniya, sa nilagdaan nitong budget ay kabilang ang mga programa at proyekto ng pamahalaan sa paglaban sa ilegal na droga subalit hindi aniya masabi ang kabuuang halaga nito.

Ayon pa sa senador, sapat umano ang pondo ng pamahalaan para sa susunod na taon para paglaanan ang paglaban sa iligal na droga at ang pondo para sa operasyon ng Anti-Drug Abuse Council.

Samantala, umabot naman sa 188 awardees ang tumanggap ng parangal sa naturang kaganapan na mula sa lokal na pamahalaan at mga non-government organization na siya namang pinuri ni Senador Tolentino.

“Magsilbi nawa kayong inspirasyon sa kapwa ninyo lingkod bayan at ipagpatuloy ang inuong sinimulang programa at proyekto laban sa iligal na droga,” sambit ni Sen. Tolentino sa mga tumanggap ng paggawad. RNT