Home OPINION PROBLEMA SA NLEX MADALING LUTASIN

PROBLEMA SA NLEX MADALING LUTASIN

4
0

SINABI ng nakausap nating mga eksperto sa imprastraktura na madaling solusyunan ang mga problema sa baha sa dalawang bahagi ng North Luzon Expressway kung gusto ng mga kinauukulan.

Tinutukoy natin ang bahagi ng NLEX sa San Simon, Pampanga at ang Valenzuela Exit, Valenzuela City.

Nangangailangan nga lang ng ilang buwan umano para ayusin ang mga ito at matutong magsakripisyo ang mga dumaraan dito.

Pupwede ring ire-route ang mga motorista sa ilang daan kung bibigat ang daloy ng trapiko gaya ng sa rush hours o kaya’y oras ng biyahe ng mga truck.

Nangangailangan lamang umano ang mga proyekto ng marahil ay bilyong piso na pupwedeng pagtulungang kargahin ng pamahalaan at pribadong kompanya na may kontrol sa nasabing expressway.

TIG-100 METRO HABA LAMANG

Sa sukat ng mga nakakikita sa haba ng mga binabahang lugar sa Valenzuela Exit at San Simon, Pampanga, umaabot lang sa tig-100 metro ang haba ng mga ito.

Kung igagawa umano ang mga ito ng paraan o itataas upang hindi lulunurin ng baha, madali lang kung gugustuhin ng NLEX at gobyerno.

Basta umano walang kurakutan sa paggawa sa mga ito, baka ang P1 bilyon ay sapat na para sa dalawang proyekto.

Madali naman umanong mabawi ang halagang ito, kahit magdoble pa ang gastos, lalo na kung totoo na sa paggawa ng mga ganitong expressway, eh, sa loob lang ng limang taon, magsimula nang kumita ang may kontrol nito.

‘Yun bang === bawi na ang may-ari ng expressway makaraan lamang ng limang taon at puro tubo na lang ang kinukwenta ng mga ito.

10KM TRAPIK, 10+ ORAS NA PERWISYO

Kwento ng lahat ng mga biktima, halos taon-taon na problema ang dalawang matrapik na lugar na ito tuwing may pagbuhos ng malakas na ulan.

Alam ba ninyo ang higit na napiperwisyo rito?

Ang mga ordinaryong mamamayang naghahanapbuhay.

Ang daming hindi nakapapasok sa trabaho dahil sa mga trapik na likha ng mga kalsadang ito.

Hindi lang 10 oras na trapik ang dinaranas ng mga obrero kundi kawalan ng kita sa loob ng isa o ilang araw at hindi mabilang sa daliri ang mga biktima rito.

No work, no pay at iba pang mga obrero ang higit na biktima at libo-libo ang bilang ng mga ito.

Damay na rin ang mga negosyante na nabubulok ang kanilang mga kalakal sa paglipas lang mga oras na trapik.

Paano ang mga itinatakbong may sakit ng mga ambulansya at nagkakasakit sa pag-ihi at pagdumi dahil sa mga trapik dito?

Marami ring kalakal na kung wala sa oras ang delivery, perwisyo rin sa mga negosyante.

Isipin pang apektado ang pambansang ekonomiya kung paralisado ang NLEX dahil lamang sa tig-100 metrong haba na binabahang lugar.

Daluyan kasi ito ng bilyones na pisong kalakal at serbisyo sa malaking bahagi ng Luzon mula norteng Luzon hanggang Timog Katagalugan at Kabikulan at Metro Manila.

KILOS NA!

Kung totoong madaling gawan ng paraan ang mga problema, dapat kumilos na ang mga kinauukulan.

Magsimula ngayon din dahil napakatagal nang problema ang mga ito.

At hindi puro sandbag at walang silbing water pump ang isasalang na remedyo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here