MANILA, Philippines – HINIKAYAT ng administrasyong Marcos ang publiko na patuloy na suportahan ang kampanyang “4 O’Clock Habit” ng Department of Health (DOH) laban sa dengue at iba pang sakit na dala ng lamok, lalo na ngayong nagsisimula na ang tag-ulan.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na kinikilala pa rin ng World Health Organization (WHO) ang vector control bilang pangunahing paraan upang maiwasan at makontrol ang dengue.
“Sa madaling salita, kapag walang lamok, walang dengue,” ani Castro.
Ang “4 O’Clock Habit” o “Alas Kwatro Kontra Mosquito” ay naghihikayat sa publiko na isagawa ang “taob, taktak, tuyo, at takip” upang maalis ang mga posibleng pamugaran ng lamok at maiwasan ang pagkalat ng dengue.
Ayon kay Castro, ang tuloy-tuloy na pagpapatupad ng mga hakbang laban sa dengue ay nakatulong sa malaking pagbaba ng bilang ng mga kaso sa bansa ngayong taon.
Batay sa pinakahuling datos ng DOH, bumaba ng 57 porsiyento ang mga kaso ng dengue sa buong bansa, mula 110,924 kaso sa kaparehong panahon noong nakaraang taon hanggang 48,151 kaso ngayong taon.
Nang tanungin tungkol sa posibleng pag-apruba ng bakuna laban sa dengue, sinabi ni Castro na nananatiling maingat ang pamahalaan habang isinasagawa pa ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagsusuri sa Qdenga dengue vaccine na binuo ng Japanese pharmaceutical firm na Takeda Pharmaceutical Company.
“Ayon sa DOH, sinusuri pa ng Food and Drug Administration ang mungkahi ng aplikante para sa bakuna.”
Ipinaliwanag ni Castro na batay sa mga kasalukuyang datos, mas mababa ang nakitang bisa ng TAK-003 o Qdenga vaccine sa mga batang edad apat hanggang lima kumpara sa mga batang anim na taong gulang pataas.
Dagdag pa niya, isinasaalang-alang din ng mga awtoridad sa kalusugan ang mga datos na nagpapakita ng posibleng panganib ng malubhang dengue serotype 3 sa mga nabakunahang indibidwal na hindi pa nagkaroon ng dengue noon.
“Sa ating bansa, dengue serotype 3 ang madalas na kumakalat, so abangan na lamang muna natin ang magiging tugon ng aplikante,” sabi ni Castro. KRIS JOSE