MANILA, Philippines – Iginiit ng House prosecution panel nitong Miyerkules na dapat ibatay sa mga senator-judge na aktuwal na nakikilahok sa impeachment proceedings ang two-thirds vote na kailangan upang ma-convict si Vice President Sara Duterte.
Sa oral arguments sa Senate impeachment court, sinabi ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno na ang pagsama sa mga senador na hindi nakikilahok sa paglilitis sa computation ng conviction threshold ay maaaring humantong sa tinatawag nilang “acquittal by default.”
Ang argumento ay kaugnay ng motion for reconsideration ni senator-judge Erwin Tulfo laban sa naunang ruling ni presiding officer Francis “Chiz” Escudero na 16 boto, o two-thirds ng buong 24-member Senate, ang kailangan para sa conviction.
Nakasaad sa 1987 Constitution na walang impeachable official na maaaring ma-convict nang walang pagsang-ayon ng “two-thirds of all the Members of the Senate.” Pinagtatalunan ngayon kung dapat bang kabilang sa computation ang mga senador na hindi aktuwal na nakikilahok sa trial.
Nauna nang nagpahayag sina retired Chief Justices Artemio Panganiban, Hilario Davide Jr. at Reynato Puno na dapat ibatay ang threshold sa mga senator-judge na kwalipikado at aktuwal na nakikilahok sa proceedings.
Kabaligtaran naman ang pananaw ni retired Associate Justice Adolfo Azcuna, isa sa mga framers ng 1987 Constitution, na nagsabing ang two-thirds requirement ay dapat ibatay sa buong membership ng Senado, kaya 16 boto ang kailangan para sa conviction.
Binigyan ng tig-15 minuto ang prosecution at defense upang ilahad ang kanilang argumento bago makapagtanong ang mga senator-judge at pagdesisyunan ang apela ni Tulfo.
Gayunman, sinabi na ng impeachment court na maaaring hindi agad isagawa ang botohan kung mangailangan pa ng panahon ang mga senator-judge upang pag-aralan ang mga argumentong iniharap. RNT