MANILA, Philippines – Naapektuhan ng sandamakmak na foreign-funded procurement activities, restriksyon noong halalan, at COVID-19 pandemic ang nasa 33 flood control projects sa National Capital Region kung kaya’t hanggang ngayon ay hindi pa rin ito natatapos, sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Martes, Hulyo 4.
Ang pahayag na ito ay makaraang punahin ng Commission on Audit ang hindi pa nakukumpletong flood control projects ng ahensya na nagkakahalaga ng mahigit P835 milyon hanggang noong Disyembre 2022.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, bagama’t batid niya ang delay sa implementasyon ng naturang mga proyekto, pinopondohan umano ng World Bank (WB) ang 33 proyekto dahilan para maiba ang procurement process para sa mga ito.
“The projects underwent a tedious process and discussion with the World Bank before they were approved and implemented,” ani Artes.
“The WB reviews the bidding process done by the MMDA. Sometimes, they recommend continuation of the project rejected by our agency which in turn results in contract cost and duration revision,” dagdag niya.
Sinabi pa ni Artes na kailangan din ng MMDA ang pag-apruba ng international lender sa site relocation o project redesign.
Maliban dito, nakaapekto rin umano ang election ban at COVID-19 pandemic.
Sa 47 proyekto na binanggit ng COA sa report, 27 na ang nakumpleto habang 12 ang inaasahang makukumpleto rin ngayong taon.
Samantala, tatlo pang proyekto ang nasa ilalim ng procurement process, at ang natitirang lima ay inabandona na “as they are no longer necessary or relevant.”
Ani Artes, mahigpit na tinututukan ng MMDA ang lahat ng mga proyekto nito. RNT/JGC