Home NATIONWIDE Herbosa naghihintay na lang ng formal order ni PBBM sa pag-aalis ng...

Herbosa naghihintay na lang ng formal order ni PBBM sa pag-aalis ng COVID public health emergency

MANILA, Philippines – Pormal na utos na lamang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kailangan para alisin ang COVID-19 public health emergency, ayon sa Department of Health (DOH).

“Ang sabi niya (Marcos) kasi, de facto, parang nakalift na rin tayo diba? Optional na ang masking ‘di ba? Hindi na inextend ‘yung ano…” sabi ni Herbosa sa mga mamahayag.

Sinabi ng kalihim noong nakaraang linggo na irerekomenda nito ang pag-alis sa COVID-19 state of public health emergency sa bansa.

Idineklara ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang state of public health emergency sa panahon ng pagsisimula ng pandemya noong Marso 2020.

Sa ilalim ng Proclamation 922, ang state of public health emergency ay mananatiling may bisa hanggang sa alisin o bawiin ito ng Pangulo.

Gayunman, sinabi ni Herbosa na ang alert level system ay mananatili.

Noong Mayo, idineklara ng World Health Organization (WHO) na ang COVID-19 ay hindi na kumakatawan sa isang pandaigdigang emerhensiyang pangkalusugan.

Ang WHO, gayunpaman, ay nagbabala na ang COVID-19 ay narito upang manatili.

Sa pinakahuling datos ng DOH, ang mga bagong kaso ng COVID-19 na naitala noong Hunyo 26 hanggang Hulyo 2 ay bumaba ng 20% hanggang 2,747 kumpara noong nakaraang linggo.

Batay sa pinakahuling bulletin ng DOH, ang mga pinagsama-samang kaso na naitala mula Hunyo 26 hanggang Hulyo 2 ay mas kaunti kumpara sa 3,442 na kaso mula Hunyo 19 hanggang Hunyo 25.

Ang kabuuang nationwide caseload ay nasa 4,165,869 habang ang bilang ng kabuuang recoveries ay tumaas ng 449 hanggang 4,092,539.

Ang bilang ng mga nasawi ay kasalukuyang nasa 66,484. Jocelyn Tabangcura-Domenden