Home NATIONWIDE Dambuhalang high tide sasalakay sa Bulacan

Dambuhalang high tide sasalakay sa Bulacan

Bulacan – Nangangamba ang maraming residenteng nakatira sa mga mababang lugar o baybayin sa ilang bayan dahil sa isang linggong may nakatalang dambuhalang high tide sa lalawigang ito.

Ayon sa ulat, aabot sa 5.2 feet ang pinakamataas na pagpasok ng tubig-dagat o tubig-alat pagsapit ng umaga ng Miyerkules at Huwebes.

Susundan ng 4.9 feet ang taas ng tubig sa tanghali ng Biyernes, 4.3 feet sa tanghali ng Sabado at 3.6 feet tanghali ng Linggo.

Nabatid na naitala ang 4.6 feet na taas ng tubig nitong nakaraang Lunes, Hulyo 3 habang nasa 4.9 feet ang naitalang high tide umaga ng Martes, Hulyo 4.

Sinasabing may mga ilang lugar o barangay sa bayan ng Calumpit, Hagonoy, Paombong, Malolos, Bulakan, Guiguinto, Balagtas, Bocaue, Marilao, Meycauayan at Obando ang apektado ng dambuhalang high tide.

Payo ng kinauukulan sa mga nakakaranas ng baha dulot ng high tide ay itaas na ang mga gamit na posibleng masira sa tubig-alat at iwasan ang madalas na paglusong upang maka-iwas sa sakit o alipunga.

Ipinagdarasal din ng mga residente na huwag na sanang sabayan ito ng malakas at walang tigil na ulan na lalong magpapalubog sa kanila. Dick Mirasol III