Home HOME BANNER STORY Pelikulang ‘Barbie’ ipahaharang ni Tolentino

Pelikulang ‘Barbie’ ipahaharang ni Tolentino

MANILA, Philippines – Hinihimok ni Senador Francis Tolentino ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na ipagbawal ang paparating na pelikulang ‘Barbie’ sa mga sinehan sa bansa.

Ito ay makaraang itampok sa naturang fantasy film ang ‘nine-dash line’.

“If the invalidated 9-dash line was indeed depicted in the movie Barbie, then it is incumbent upon the MTRCB to ban the same as it denigrates Philippine sovereignty,” ayon kay Tolentino.

“Dapat lang ipagbawal ang pelikulang Barbie dahil ang pinakita nitong 9-dash line ay salungat sa katotohan at ipinawalang-bisa na ng arbitral ruling noong 2016,” dagdag ng mambabatas.

Samantala, sinabi ni Senador Risa Hontiveros na dapat magkaroon ng explicit disclaimer tungkol sa naturang usapin bago ang bawat screening ng pelikula.

“The movie is fiction, and so is the nine-dash line. At the minimum, our cinemas should include an explicit disclaimer that the nine-dash line is a figment of China’s imagination,” ani Hontiveros.

Ayon sa MTRCB, kasalukuyan na umano nilang sinusuri ang pelikula at nangakong kagyat maglalabas ito ng ratings.

Nitong Lunes, Hulyo 3 ay nauna nang ipinagbawal ng Vietnam ang pagpapalabas ng pelikulang ‘Barbie’ sa mga sinehan sa nasabing bansa dahil sa eksenang ipinapakita ang mapa na kinatatampukan ang nine-dash line na iginigiit ng China sa South China Sea. RNT/JGC