MANILA, Philippines – Bubuksan na ng lokal na pamahalaan ng Cordova, Cebu sa publiko at mga turista ang Bantayan Bay sa Barangay Poblacion.
Ito ang inanunsyo ni Mayor Cesar “Didoy” Suan kasabay ng flag-raising ceremony nitong Lunes, Hulyo 3.
Ani Suan, bukas na ang Bantayan para sa mga swimming activities, hindi na lamang sa mga residente ng naturang bayan kundi maging sa lahat ng mga Cebuano at turista.
Kung babalikan, isinara sa publiko ang Bantayan Bay makaraang makakita ang Environmental Management Bureau sa Central Visayas (EMB-7) ng mataas na fecal coliform level na lampas sa allowable limit nito.
Ayon sa alkalde, umabot ng 2,400 most probable number (mpn) per 100 milliliters (ml) ang fecal coliform level sa lugar, mas mataas sa pinapayagang lebel na 100 mpn per 100 ml lamang.
Sa ngayon ay nasa 0.8 mpn per 100 ml na lamang ang fecal coliform level sa Bantayan Bay. RNT/JGC