NAKIBAHAGI ang Philippine Health Insurance Corporation Region 10 sa pangunguna ni Regional Vice President Delio Aseron II sa ginanap na National Tribal Leaders General Assembly ng Tribal Communities Association of the Philippines, Inc. (TRICAP Inc.) na nasaksihan ng inyong Agarang Serbisyo Lady sa Capitol University Gymnasium, Cagayan de Oro City nitong Nobyembre 8, 2o24.
Isinabay ang pagtitipon ng mga katutubo sa obserbasyon ng 27th year anniversary ng pagsasabatas ng “landmark law” na Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) o ang Republic Act No. 8371 at National Indigenous Peoples Month alinsunod naman sa Presidential Proclamation No. 1906 (2009) sa temang “Unity for all Tribal Communities in the Philippines for Peace, Prosperity, and Security para sa Bagong Pilipinas.”
Ipinaalam ni RVP Aseron sa mga dumalong lider-katutubo ang pagnanais ng PHILHEALTH na mapaabot sa mga katutubo na karaniwang naninirahan sa mga geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs) ang pagkakaloob ng proteksyong pangkalusugan na kanilang karapatan bilang mga Filipino sa ilalim parehas ng IPRA at ng Universal Health Care (UHC) law (R.A. No. 11223), lalong-lalo na ang PHILHEALTH KONSULTA program o ang “Konsultasyong Sulit at Tama”.
Ibinahagi rin niya na sa unang taon pa lamang ng kanyang pag-upo sa puwesto bilang RVP ng Northern Mindanao region noong 2022, isa sa mga kaagad niyang isinulong ang pagkakaroon ng pakikipagtulungan sa pitong katutubong pangkat ng lalawigan ng Bukidnon – ang mga Talaandig, Higa-onon, Bukidnon, Umayamnon, Matigsalug, Manobo at Tigwahanon.
Matatandaan na personal na sinadya ni RVP Aseron ang pamayanan ng mga katutubo hindi lamang para masilayan ang kanilang kalagayan kundi maipakita ang sinseridad ng magandang hangarin at mabuting dulot ng UHC law sa kanilang sektor.
Bilang pagkilala rin naman ay itinuring siyang isang Datu ng pangkat at pinangalanan Datu Salimbangon na nangangahulugan bilang “instrument of connecting.”
Nais niyang mula Bukidnon ay maabot na rin ang mga katutubo sa Camiguin, Misamis Occidental, Misamis Oriental, at Lanao del Norte para sa direktang “access” sa mga dekalidad na serbisyong pangkalusugan at sa pagsusulong ng UHC law.
Uupo ang PHILHEALTH Region 10 at ang TRICAP, Inc. ng Northern Mindanao para mapag-usapan ang pagtutulungan at mailatag ito sa isang memorandum of agreement.
Nagkaroon muna ng pagkakaloob ng replica ng PHILHEALTH ID buhat kay RVP Aseron na tinanggap ng mga lider katutubo sa pagunguna ni National Commission on Indigenous People officer-in-charge regional director Datu Fundador Binahon.