MANILA, Philippines- Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes sa kaligtasan ng publiko kasunod ng serye kamakailan ng hostage-taking incidents sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sinabi ng PNP na mula January 20 hanggang February 18, may kabuuang apat na hostage situations ang naiulat sa Manila, Batangas, Rizal, at Digos City.
“Our police forces have demonstrated exceptional dedication in handling these life-threatening situations with utmost professionalism,” pahayag ni PNP chief Police General Rommel Marbil.
“The safety of our citizens remains our top priority, and we will continue to strengthen our strategies in crisis response and law enforcement to prevent similar incidents from happening,” dagdag niya.
Sa Taytay, Rizal naman, sinabi ng PNP na isang 1-anyos na bata ang hinostage ng sariling ama na armado ng patalim.
Matapos ang isang oras na negosasyon, sumuko ang suspek sa mga awtoridad. Nagtamo ang sanggol ng minor wounds sa kanyang leeg. Ang suspek, kasalukuyang nakaditine sa Taytay Municipal Police Station, ay posibleng maharap sa kasong paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Law; alarm and scandal; at illegal possession of a bladed, pointed, or blunt weapon.
Sa Digos City sa Davao del Sur, pwersahang kinuha ng suspek ang isang paslit na batang babae mula sa kanyang bahay.
Base sa PNP, pinigilan ng mga residente ang salarin at tiniyak ang kaligtasan ng bata hanggang makarating ang mga pulis.
Sa Maynila sa National Capital Region, hinostage ng isang lalaking may hawak na patalim ang isang babae nang habulin ito ng mga pulis dahil sa pagkakasangkot nito sa stabbing incident.
Sumuko naman ang suspek sa mga pulis matapos ang mahigit isang oras na negosasyon. Dinala siya sa Manila Police District Station 3. Posible siyang maharap sa reklamong illegal detention, alarm and scandal, at illegal possession of deadly weapon.
Samantala, sa Lipa City sa Batangas, hinostage ng isa pang lalaki ang isang cashier sa gadget store sa isang mall.
Pinakawalan ang cashier matapos ang negosasyon. Hinuli ang suspek para sa serious illegal detention at paglabag sa Omnibus Election Code dahil sa pagtataglay ng deadly weapon.
“Overall, these events are merely isolated incidents and do not reflect the general state of peace and order in the country, as they are neither the work of organized crime nor a sign of a worsening problem,” ani Marbil. RNT/SA