Home NATIONWIDE Publiko ‘di pipigilan ng Malakanyang na sumuporta kay Duterte

Publiko ‘di pipigilan ng Malakanyang na sumuporta kay Duterte

MANILA, Philippines – HINDI PIPIGILAN ng Malakanyang ang publiko partikular na ang mga supporters ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na isaboses ang kanilang sentimyento kaugnay sa kamakailan lamang na ‘legal battle’ nito sa International Criminal Court (ICC).

Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na karapatan ng mga supporters na kaawaan ang dating Pangulo.

”’Yung mga nakikisimpatya po sa dating Pangulong Duterte, karapatan po nila ‘yan. Hindi po ‘yan pipigilan, karapatan po nila na malungkot, magdalamhati para kay dating Pangulong Duterte,” ang sinabi ni Castro.

”Wala pa po tayong nakikitang makaalarma po sa administrasyon,” aniya pa rin.

Kikilos lamang ang pamahalaan kung ang aksyon ng mga Duterte supporters ay naka-aalarma na.

Sa kabilang dako, wala namang nakikitang dahilan si Castro para magsagawa ng ‘loyalty check’ sa hanay ng mga pulis at military kasunod ng pag-aresto kay Duterte.

“Loyalty check? Wala po, kampante po ang Pangulo. Ang ginawa naman po ng administrasyon ay naaayon sa batas,” ayon kay Castro.

Samantala, araw ng Martes, Marso 11 inaresto ng mga awtoridad si dating Pangulong Duterte dahil sa “crimes against humanity”.

Sa official statement ng Presidential Communications Office, pagdating ni Duterte sa Maynila mula HongKong ay kagyat na inihain ng isang prosecutor general mula sa International Criminal Court (ICC) ang warrant of arrest sa kanya.

“Sa kanyang pagdating, inihain ng Prosecutor General ang ICC notification para sa isang arrest warrant sa dating Pangulo para sa krimen laban sa sangkatauhan,” pahayag ng PCO.

Ayon sa ulat, kasama ni Duterte ang kanyang partner na si Honeylet Avanceña at anak na si Veronica “Kitty” Duterte. Sinamahan din siya ni former executive secretary Salvador Medialdea. Kris Jose