MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Miyerkules ang publiko na maging mapagbantay laban sa mga kriminal at scammers sa mga sementeryo sa pagdiriwang ng Undas o All Saints’ Day at All Souls’ Day.
“Habang ating ginugunita at ipinagdarasal ang mga kaluluwa ng ating mga yumaong mahal sa buhay, hinihimok ng DILG ang publiko na magsagawa ng pagbabantay laban sa mga kriminal at scammers na nagsasamantala sa publiko sa mga sementeryo,” sabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla sa isang pahayag.
“Kami rin ay umaapela para sa kooperasyon ng publiko sa pagsunod sa wastong protocol sa mga sementeryo laban sa pagkonsumo ng mga inuming nakalalasing, pagsusugal, at pag-uudyok sa lahat ng uri ng kaguluhan,” dagdag niya.
Nanawagan si Remulla sa mga local government units (LGUs) na ipatawag ang kani-kanilang Local Peace and Order Council para sa paghahanda sa kaligtasan at seguridad sa mga sementeryo, memorial park, at mga simbahan.
Nakatakdang magtalaga ang Philippine National Police (PNP) ng mahigit 27,000 pulis sa buong bansa para palakasin ang police visibility at magbigay ng tulong at seguridad, ayon kay Remula.
Samantala, ang Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ay magbibigay ng kinakailangang tulong sa kani-kanilang LGU, dagdag niya. RNT