PAGADIAN CITY — Isang pulis at dalawang hinihinalang ilegal na nagbebenta ng baril ang nasawi matapos mauwi sa engkuwentro ang buy-bust operation sa Pagadian City, Zamboanga del Sur noong Linggo, Agosto 23.
Kinilala ng Philippine National Police (PNP) ang nasawing tauhan na si Police Maj. Aiman Khuzaimah Pantaran, intelligence officer ng Pagadian City Police Station.
Ayon sa paunang salaysay ng pulisya, napansin umano ng mga target na mga pulis ang kanilang katransaksiyon kaya nagpaputok ang mga ito.
Tinamaan sa dibdib si Pantaran at isinugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival. Napatay naman sa lugar ang dalawang suspek sa sumunod na palitan ng putok.
Nagpaabot ng pakikiramay si PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa pamilya at mga kasamahan ng nasawing opisyal.
“We recognize the ultimate sacrifice of our police officer and extend our deepest condolences to his family,” ani Nartatez.
Sinabi rin niyang rerepasuhin ng PNP ang operasyon upang matukoy ang buong pangyayari at kung nasunod ang itinakdang mga patakaran.
“Sa bawat operasyon, mahalaga ang tapang, pero kaakibat nito ang disiplina at pananagutan,” dagdag niya.
Hindi pa inilalabas ang pagkakakilanlan ng dalawang nasawing suspek at iba pang detalye ng post-operation investigation. Mary Anne Sapico