PUERTO GALERA — Apat na hinihinalang sangkot sa pamamaril at pagpatay sa isang 26-anyos na babaeng buntis ang inaresto sa checkpoint sa San Teodoro, Oriental Mindoro noong Linggo.
Kabilang sa mga nahuli ang sinasabing gunman, dalawang lalaki, at isang buntis na babae. Hindi pa natutukoy ng pulisya ang posibleng papel ng buntis sa krimen.
Binaril ang biktima sa loob ng kanyang inuupahang bahay sa Barangay Sto. Niño, Puerto Galera dakong alas-2:10 ng hapon. Nagtatrabaho siya bilang coordinator ng isang online shopping platform.
Batay sa CCTV footage, ilang beses umanong umikot ang isang pulang kotse malapit sa bahay bago nakitang umalis matapos ang pamamaril.
Nagtayo ng mga checkpoint ang pulisya matapos maibigay ng isang saksi ang paglalarawan sa sasakyang ginamit. Nasabat ang kotse sa San Teodoro at narekober dito ang dalawang hindi lisensiyadong .45-caliber firearm na posibleng ginamit sa krimen.
Dinala naman sa ospital ang buntis na suspek matapos dumaing ng pananakit ng tiyan.
Ayon kay Puerto Galera Police Station chief Police Maj. Simeon Tutaan Jr., may saksi silang kumilala umano sa gunman at getaway vehicle.
“The details we have gathered are sufficient, as of the moment, to file the appropriate charges before the prosecutor,” dagdag niya.
Nahaharap sa reklamong murder ang apat na suspek. Mary Anne Sapico