MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang pagtanggal sa serbisyo kay Patrolman Joshua Mendoza ng Manila Police District kaugnay ng isang insidente ng panggagahasa.
Ayon sa NAPOLCOM, napatunayang guilty si Mendoza sa grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.
Ang kanyang mga aksyon ay nagpapakita ng tahasang paglabag sa batas at moral na katiwalian, dahilan upang siya’y hindi na angkop sa serbisyo.
Base sa desisyon noong Mayo 4, ginamit ng NAPOLCOM ang mga ebidensya tulad ng testimonya ng saksi, medico-legal findings, CCTV footage, at corroborated testimony ng biktima.
Lumabas na si Mendoza ay lumabag sa Anti-Rape Law matapos niyang pagsamantalahan ang isang biktimang walang malay at hindi makapagbigay ng pahintulot.
Samantala, ang isa pang pulis na kasama sa reklamo ay napawalang-sala dahil sa kawalan ng sapat na ebidensyang nag-uugnay sa kanya sa krimen.
Ayon kay NAPOLCOM Commissioner Ralph Calinisan, walang lugar sa serbisyo ng pulisya para sa ganitong uri ng karahasan at kawalang-moralidad. Ang pagsasamantala sa isang babaeng walang malay ay hindi lamang krimen, kundi isang matinding paglapastangan sa dignidad ng uniporme at pagtitiwala ng publiko.
Ang kaso ay nag-ugat mula sa reklamo ni “Anna” noong Enero, na nagsabing nawalan siya ng malay matapos uminom kasama si Mendoza at iba pang kasamahan.
Nagising siya sa isang motel habang ginagahasa, ngunit natigil ang suspek nang siya ay magkamalay. Jocelyn Tabangcura-Domenden