MALIIT ba o malaking krimen ang panununtok, pagbunot ng baril at pagbabanta ng kamatayan ng mga pulis sa isang traffic enforcer dahil lang umano sa masamang tingin ng huli sa una?
Naganap ito, mga brad, sa isang kanto sa Brgy. Mabolo, Valenzuela City noong madaling araw ng Hulyo 14, 2024.
Habang nagroronda umano itong traffic enforcer na si Ronaldo David, may nakasabayan nitong dalawang lalaking nakasibilyan at walang suot na helmet.
Bilang bahagi ng kanyang trabaho, huminto siya at tinitigan ang dalawang lalaki na hindi niya alam na mga pulis at nakatalaga sa Manila Police Department.
Ginusto lang niyang sabihan sana ang mga mga pulis na wala silang helmet at bawal iyon sa Valenzuela City.
Tila napikon umano ang mga pulis na sina Police Staff Sergeants Ernesto Camacho at Robert Cabudoy, huminto rin at sila na ang lumapit kay David.
Kasunod na nito ang pagbunot ng dalawa ng kanilang mga baril at pagsasabi ni Cabudoy na masamang tumingin si David.
Tinangka ng traffic enforcer na iwan na lang niya ang dalawang may baril pero napigilan siya sa suntok ni Camacho hanggang sa matumba ang motor ng biktima.
Nagbanta naman si Cabudoy sa pagsasabing, “Gusto mo patayin na kita rito?”
Doon na sila naghiwahiwalay ngunit nakapag-ulat si David sa mga kinauukulan hanggang lumitaw na si Valenzuela Mayor Wes Gatchalian upang kondenahin ang ginawa ng mga pulis.
At habang nasa press conference sina Mayor Gatchalian at David ukol sa pangyayari, nag-text na si Manila Police District Director Brigadier General Arnold Ibay na nahuli na, nadis-armahan at nakadetine na ang dalawang pulis sa Manila Police Department Headquarters.
Ngayon naman, nasampahan na ng mga administratibo at kriminal na kaso ang mga tinawag ni Mayor Gatchalian na abusado at sigang pulis.
Tanong: Pupwede na bang batayan ang mga inasal ng mga pulis para sa masibak sila sa pulisya at makulong na rin?






