MANILA, Philippines – Natapos na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nationwide distribution ng ₱5,000 cash assistance para sa mga public utility vehicle (PUV) drivers at delivery riders na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis.
Sa pahayag nitong Miyerkules, sinabi ni DSWD Assistant Secretary at spokesperson Irene Dumlao na umabot sa 1,827,827 benepisyaryo ang nakatanggap ng ayuda mula Marso 17 hanggang Hunyo 30 sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Ayon sa DSWD, umabot sa ₱9.139 bilyon ang naipamahaging pondo. Pinakamarami sa mga benepisyaryo ang mga tricycle driver na umabot sa 1,200,009, sinundan ng 314,530 delivery riders, 119,030 jeepney drivers, 104,000 motorcycle taxi drivers, at 89,394 transport network vehicle service (TNVS) drivers.
Nauna nang tinaya ng ahensya na aabot sa 2.4 milyong PUV drivers at riders ang kwalipikado batay sa mga listahang isinumite ng local government units, transport network companies, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Department of Information and Communications Technology, at Private Express and Messengerial Delivery Service Sector.
Ayon kay Dumlao, posibleng mas mababa ang aktuwal na bilang ng mga nakatanggap dahil ang ilan sa mga nasa listahan ay hindi na nagtatrabaho bilang PUV drivers o wala na sa bansa.
“Halos tatlong buwan at kalahati ring tumakbo ang ating nationwide payouts. Kung matatandaan ninyo, marami ring special payouts ang hinanda ng DSWD para ma-accommodate yung mga hindi nakasama sa unang listahan, yung mga hindi nakapunta sa schedule nila,” ani Dumlao. RNT