Iprinisinta ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Judge Jaime Santiago si John Michael Serrano Garcia, suspek sa pagpatay kay Luke Maraneg na anak ng ahente ng NBI na si Atty. Dickson Maraneg, sa isinagawang press conference sa loob ng opisina ng NBI sa Pasay City. Cesar Morales
MANILA, Philippines- Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang suspek sa pagpatay sa anak ng isang ahente ng ahensya noong nakaraang taon sa Baguio City.
Ngayong Martes ng umaga, ipinisinta ng NBI ang suspek na si John Michael Serrani Garcia na naaresto sa Purok Wakas, Barangay Mambog, Malolos City, Bulacan matapos ang pagtatago sa batas.
Ayon kay NBI Director Judge Jaime Santiago, November 24, 2024 bandang ala-1:30 ng madaling araw nang barilin umano ni Garcia si Luke Maraneg sa Happy Homes, Barangay Ferdinand, Baguio City.
Matapos ang insidente ay nagpalipat-lipat ng lugar na pinagtaguan ang suspek base sa technical surveillance.
Subalit sa pagsisikap at intelligence gathering ng miyembro ng binuong taskforce ay natunton ang kinaroroonan ng suspek.
Noong February 14, natunon ang suspek sa Bulacan ng technical surveillance kaya nagsagawa ng physical surveillance ang mga ahente ng NBI-PAMDO (NBI- Pampanga District Office) at nakumpirma ang tamang lokasyon ng suspek sa loob ng apartment ng kanyang tiyahin sa Purok Wakas, Barangay Mambog, Malolos City, Bulacan kung saan siya naaresto.
Kasalukuyang nakaditine sa NBI-PAMDO ang suspek habang hinihintay ang kanyang commitment order mula sa honorable court. Jocelyn Tabangcura-Domenden