MANILA, Philippines – Pinahintulutan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga drivers at operator ng public utility vehicles (PUVs) na makapag-operate agad kapag na-upload na ang kanilang kopya ng Provisional Authority (PA) sa online verifier ng LTFRB.
Ayon kay LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulo Ferdinand Marcos Jr. para masiguro ang mas mabilis at maayos na serbisyo ng gobyerno.
Sa pamamagitan ng online verification, madaling macheck ng mga enforcer kung lehitimo ang mga papeles ng mga PUV sa oras na ma-flag down sila.
Karaniwan, ang PUV ay puwedeng mag-operate kapag hawak na ang hard copy ng PA, pero sa ilalim ng LTFRB Board Resolution 388, series of 2025, puwede na itong mag-operate agad kapag na-upload na ang PA sa online system.
Saklaw ng resolusyon ang malaking bilang ng PUVs, kabilang ang jeepneys, buses, at Transport Network Vehicle Services (TNVS).
Binanggit ni Mendoza na ang online validation ay mahalaga rin upang labanan ang pagkalat ng pekeng PA at Certificates of Public Conveyance (CPCs).
Sa ganitong paraan, mas mabilis maipapatupad ng mga awtoridad ang crackdown laban sa mga gumagamit ng pekeng dokumento.
Dagdag pa niya, makakatulong ang hakbang na ito sa mas maraming PUV na makabiyahe sa mga kalsada, na napapanahon lalo na sa dumaraming pasahero sa panahon ng kapaskuhan. RNT/MND