MANILA, Philippines – Mahigit 50 pamilya ang nawalan ng tirahan habang isang person with disability (PWD) ang nasawi sa sunog na tumupok sa residential area sa Caloocan City umaga ng Linggo, Disyembre 29.
Ayon kay Caloocan Bureau of Fire Protection (BFP) chief of operators Fire Senior Inspector Elyzer Ruben Leal, nagsimula ang sunog alas-2 ng madaling araw sa residential area sa Barangay 118.
Sa inisyal na imbestigasyon, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng three-storey residential building sa lugar.
“Masikip po ‘yung daan. Dikit dikit po talaga ‘yung bahay,” ani Leal.
“Mga bahay po na nasunog more or less 20 residential houses.”
Hirap makarinig ang 38-anyos na lalaking biktima na umano’y bumalik pa sa loob ng nasusunog na bahay.
“As per mga witnesses po, bumalik po siya sa loob kaya na-trap. Tapos mahina daw po ang pandinig niya,” sinabi pa ni Leal. RNT/JGC