MANILA, Philippines – Nadagdagan pa ng 68 bagong kaso ng road traffic incident ngayong araw na nagdala sa kabuuang 418 kaso simula Disyembre 22.
Ang bilang na ito ay mas mataas ng 38% kumpara sa taong 2023 ayon sa Department of Health (DOH).
Naitala ang mga kaso mula sa 8 pilot sites na mino-monitor ng DOH para sa mga road traffic incidents.
Nitong Biyernes, Disyembre 27 ay muling nagpaalala ang DOH sa mga bumibyahe ngayong holiday season na magsuot ng safety gear at sumunod sa traffic rules.
Nagbabala ang World Health Organization (WHO) na ang mga pinsala sa kalsada, na nagdudulot ng mahigit 1.3 milyong pagkamatay ay taun-taon ay kadalasang binabalewala bilang “aksidente” bagaman maiiwasan ang mga ito.
“Road traffic injuries are a major yet often neglected public health issue. Deaths and injuries from road crashes are preventable, and all sectors have roles to play in promoting road safety,” sinabi ni WHO Representative to the Philippines, Dr. Rui Paulo de Jesus.
Binanggit ng WHO ang datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) na nagpapakita na ang road traffic deaths ay tumaas ng 39 percent mula 7,938 deaths noong 2011 sa 11,096 deaths noong 2021.
Sinabi ng WHO sa kanilang website na ang mga road traffic injuries ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipinong 15 hanggang 29 taong gulang, at isang pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga bata.
Bumaba lamang ang bilang ng mga nasawi noong 2020, ngunit iniugnay ito ng WHO sa pagbaba ng mobility ng populasyon sa taong iyon dahil sa pandemya ng COVID-19.
Muling tumaas ang bilang ng pagkamatay sa kalsada sa 11,096 kasabay ng pagtatapos ng mga lock down at restrictions.
Sinabi ni De Jesus na nakikipagtulungan na ang WHO sa Department of Transportation (DOTr) para sa pagpapatupad ng Philippine Road Safety Action Plan 2023-2028 bilang blueprint para sa road safety initiatives ng bansa.
Ang plano ay base sa inisyatiba sa road safety management, mas ligtas na infrastructure, mas ligtas na sasakyan, safety-conscious road users, at pagpapabuti sa post-crash response. Jocelyn Tabangcura-Domenden