MANILA, Philippines – Nilusob ng Land Transportation Office (LTO) at Quezon City Police District (QCPD) ang isang establisyimento na nagbebenta ng gamit na right-hand drive (RHD) vehicles, na ipinagbawal na sa bansa noon pang 1998.
Sa pahayag nitong Linggo, Mayo 18, sinabi ng LTO na ang mga miyembro ng Intelligence and Investigation Division at Quezon City police team ay nagsagawa ng inspeksyon sa Faequip Corp. Yard na matatagpuan sa San Pedro Compound 5 sa Banlat Road, Barangay Tandang Sora, Quezon City, noong Mayo 15.
Ang operasyon ay ibinase sa report sa social media na ibinibenta umano ang mga illegal na imported na sasakyan sa lugar.
Sa inspeksyon, natagpuan ng mga awtoridad ang ilang secondhand right-hand drive trucks, o mga sasakyan ang steering wheel ay nasa kanang bahagi ng sasakyan.
Nang tanungin kung saan galing ang mga sasakyan, ipinakita ng operator ng establisyimento ang mayor’s permit na inisyu sa may-ari ng Al Tofiq Truck and Parts Corp.
Ipinresenta rin ang apat na original na certificates of registration at kaukulang LTO-issued plate numbers.
Sa kabila nito, ang mga dokumento, ayon sa pulisya, ay illegal na nakuha sa isang nonappearance transaction sa Iligan City District Office kung saan ang bawat set ay nagkakahalaga umano ng P15,000.
Dahil dito ay kinumpiska para sa kaukulang beripikasyon ang apat na certificates of registration at apat na LTO plate numbers—KBF1995, KBF1993, KBF1806 at KBF1994.
Samantala, nakumpiska rin ang dalawa iba pang right-hand drive trucks na walang dokumento.
“I also ordered a thorough investigation into this matter, particularly on how these imported secondhand, right-hand motor vehicles were registered,” pahayag ni LTO chief Vigor Mendoza II.
“We have obtained initial information that these motor vehicles were registered in an extraordinary way and we want to identify all the people involved,” dagdag pa niya.
Posible aniya na nakipagsabwatan ang mga sangkot dito sa mga tauhan ng LTO para mairehistro ang mga illegal na sasakyan.
Ang right-hand vehicles ay ipinagbawal sa bansa sa ilalim ng Republic Act No. 8506, na isinabatas noong 1998.
Ayon sa RA 8506, “it shall be unlawful for any person to import, cause the importation of, register, cause the registration of, use, or operate any vehicle with its steering wheel right-hand side thereof in any highway, street or road, whether private or public or of the national or local government.” RNT/JGC