MANILA, Philippines- Sinibak sa pwesto ang hepe ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD CIDU) at dalawa pang pulis matapos umanong pakawalan ang isang person under police custody (PUPC) nang walang awtorisasyon.
Inanunsyo ito ni QCPD officer-in-charge Col. Randy Glenn Silvio sa isang press conference sa kanilang headquarters sa Camp Karingal nitong Martes.
“Right now, we’re conducting an investigation and we’ve relieved all on duty, including [CIDU Director] Major [Don Don] Llapitan,” pahayag ni Silvio.
“We received an SMS (short message service) report last Friday. Then-District Director Brig. Gen. Melecio Buslig Jr. received information that there was one PUPC outside custody,” paliwanag pa ni Silvio.
“We immediately conducted validation, and we interviewed their chief, Major Llapitan. During the interview, he admitted that there was one PUPC taken outside custody,” dagdag niya.
Ang PUPC na pinakawalan ay isang babae na may kasong qualified theft, na dinala ng police officers sa isang hotel sa hindi pa natutukoy na dahilan, base kay Silvio.
Sinabi ng opisyal na naibalik na ang PUPC sa kustodiya ng mga pulis.
Inihayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Maj. Gen. Anthony Aberin na ipinagbigay-alam sa kanya ang sitwasyon noong Sabado, at nag-isyu ng kautusan na patalsikin ang tatlong opisyal sa parehong araw.
Kasunod ito ng pag-anunsyo ni Aberin na tinanggal si Buslig bilang QCPD director kasunod ng viral video na nagpapakita ng isang police officer na lasing umano na pwersahang nanghimasok sa mga bahay at nanakit ng mga residente sa Barangay Damayan nitong Lunes. RNT/SA