BAGUIO CITY- Patay ang isang lalaki habang sugatan ang isa pa sa isang shooting incident nitong Lunes sa bayan ng Tayum sa Abra, halos dalawang kilometro mula sa municipal police station.
Kinilala ang nasawi na si Jay-ar Tanura, 27, residente ng Barangay Gaddani. Samantala, nagtamo si Jordan Calaustro Barcena ng Barangay Budac ng tama ng bala at nasa maayos na kondisyon na.
Batay sa mga pulis, nakatanggap sila ng ulat ukol sa pamamaril ng alas-3:40 ng hapon sa Sitio Agdamay, Barangay Budac.
Dagdag ng mga pulis, iniulat ni Tayum mayoral candidate Kathlia Cariño Alcantara na pinagbabaril ang kanyang convoy habang nasa isang campaign sortie sa barangay.
Habang patungo sa pinangyarihan ng insidente, nakarinig ang mga rumerespondeng tauhan ng Tayum Police at ng Regional Mobile Force Battalion ng putok ng baril at naharang ang isang itim na Ford Ranger (license plate PXO 263) na minamaneho ni Jomel Barbieto Molina, 21.
Natuklasan sa pagmamay-ari ni Molina ang isang unlicensed .45 caliber pistol. Gayundin, nadiskubre ang isa pang baril, isa pang .45 caliber pistol na pagmamay-ari umano ni Tanura, sa loob ng sasakyan.
Lumabas sa inisyal na police investigations na nakipagpalitan ng putok ng baril ang convoy ni Alcantara, sinasakyan ni dating Bangued Mayor Ryan Luna, sa convoy ni Barangay Captain Walter Tugadi. Kasama umano nina Tanura at Barcena ang grupo ni Tugadi.
Narekober naman ng mga awtoridad ang ilang spent shell casings mula sa .45 caliber at 5.56 mm firearms sa scene. Kalaunan ay natagpuan ang puting Toyota pickup truck (license plate NFI 4951), na may tama ng bala, sa compund ni Luna sa Barangay Dangdangla, Bangued.
Kinondena ng kampo ni Alcantara, tinawag itong “cowardly act” at “a desperate attempt to silence democratic voices.” Bagama’t walang miyembro ng kanyang grupo ang nasugatan, nagtamo ng ilang tama ng bala ang kanyang sasakyan.
Nagsasagawa ang mga pulis ng masusing imbestigasyon at hinimok ang publiko na manatiling alerto at suportahan ang pagsisikap na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan bago ang May elections. RNT/SA