Maguindanao del Sur, Philippines – Tila hindi nagpapasindak ang nag-iisang babae sa Bangsamoro Region na tumatakbong gobernador na si Bai Mariam Sangki-Mangudadatu.
Sa kabila kasi ng sunod-sunod na atake at pangha-harass sa mga kasamang kandidato na tumatakbo sa ilalim ng Team Agila, patuloy pa rin silang nag-iikot sa probinsya.
Kahapon, balik-kampanya sila sa Datu Saudi Ampatuan kasama ang isa sa mga kandidato ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa PDP Laban na si Atty. Vic Rodriguez.
Kasama na rin nila ang kandidatong si Bapa Omar na inambush nitong nakaraang linggo lang.
Abril 13 nang tambangan ng mga armadong lalaki sa daan papasok ng Talayan, Maguindanao del Sur ang sinasakyan ni Omar. Sugatan ito at ang kanyang driver na si Abel Buisan.
Sinabi ni Omar sa isang panayam na wala sIyang personal na kaaway… Ngunit inamin niyang may mga kaanak na tumutol sa kanyang paglipat sa grupo ni Mangudadatu.
Paliwanag naman ng biktima, nakita niya ang napakalaking pagbabago sa kanilang lugar simula nang maupo ang gobernadora– bukod sa pag-unlad ng pamumuhay ng maraming residente sa probinsya ay napanatili rin daw ni bai mariam ang kapayapaan dito.
Isa lamang si Omar sa mga kandidato ng Team Agila na biktima ng politicial violence sa BARMM.
Matatandaang nitong Pebrero ay namatay sa ambush si Datu Abdullah Sangki, ABS president Kap. Resty Sangki kasunod ng pananambang sa vice mayoral candidate ng Team Agila sa Buluan na si Anwar Dimasinsil.
Malaki naman ang pasasalamat ni senatorial bet Vic Rodriguez sa mainit ng pagtangap ni Gov. Bai Mariam at ng kanyang mga kasama.
Kaisa ng Team Agila ang PDP Laban sa kampanya para sa mas maunlad at mas mapayapang Maguindanao del Sur. RNT