Home NATIONWIDE Queen Maxima pinasalamatan ni PBBM sa alok na financial health aid sa...

Queen Maxima pinasalamatan ni PBBM sa alok na financial health aid sa Pinas

MANILA, Philippines- Ikinatuwa ni Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. ang alok ni Her Majesty Queen Maxima ng the Netherlands na magbigay ng financial health support para sa Pilipinas.

Sinabi ng Presidential Communications Office na saklaw ng nasabing alok na tulong ang financial inclusion foundational building blocks, tulad ng connectivity, cybersecurity, digitization, at interoperable payments, maging kung paano aasistihan ang mga Pilipino na mapabuti ang financial health at mapaigting ang “resilience” sa economic at climate shocks.

Gayundin, nag-alok si Queen Maxima, nanunungkulan din bilang United Nations Secretary-General’s Special Advocate for Inclusive Finance for Development (UNSGSA), na ikonekta ang Pilipinas sa kanyang development partners upang ibahagi ang kanilang best practices, partikular upang suportahan ang pagsisikap na paghusayin ang connectivity.

“Well, that’s a very, very handsome offer. Thank you very much, Your Majesty,” wika ni Marcos kay Queen Maxima sa courtesy call ng huli sa Pangulo sa Malacañang Palace nitong Miyerkules.

Sinabi naman ni Marcos na mayroon nang mga proyektong nakahanda na naglalayong paghusayin ang internet connectivity sa Pilipinas. Idinagdag niya na may kapasidad ang bansa na tugunan ang isyu.

Nag-courtesy call si Queen Maxima kay Marcos bilang bahagi ng kanyang technical visit sa Pilipinas mula May 21 hanggang 23 upang tumulong sa pagsusulong ng financial inclusion at financial health, sa ikalawa niyang pagbisita sa bansa bilang Special Advocate matapos ang una niyang pagdalaw noong 2015. RNT/SA