DAVAO CITY – Sinabi ni Police Brig. Gen. Nicolas Torre III, Police Regional Office (PRO)-Davao region chief, na nagtatago lamang si Pastor Apollo C. Quiboloy sa loob ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Barangay Buhangin dito.
Sinabi ni Torre na batay sa mga tip mula sa mga impormante na natanggap sa pamamagitan ng isang hotline, nananatili lamang ang puganteng pastor sa loob ng 30-ektaryang compound.
Dagdag pa niya, ilang followers umano ang ginagamit na “shield” para pigilan ang mga law enforcers na makapasok sa compound. Dahil dito, nahihirapan silang ipatupad ang mga warrant of arrest laban kay Quiboloy, ani Torre.
“Nandiyan siya, ginagamit lang niya ang mga tao para i-shield siya. Based on the information that we have, we are inclined to really believe na nandiyan siya,” anang heneral.
Sinabi ni Torre na nakatanggap ng impormasyon ang mga pulis matapos silang magbukas ng hotline kung saan maaaring i-report ng mga indibidwal ang kinaroroonan ni Quiboloy at ng kanyang mga kapwa akusado.
Binuksan ang hotline kasunod ng pag-anunsyo ng P10-million cash reward para sa impormasyon sa kinaroroonan ni Quiboloy at P1 milyon para sa kanyang mga kapwa akusado.
Ang kapwa akusado ng pastor sa child abuse at qualified human trafficking charges ay si Paulene Canada, na inaresto noong Hulyo 11 sa kanyang tirahan sa Emily Homes Subdivision sa Barangay Cabantian dito; Jackielyn Roy, Cresente Canada, Ingrid Canada, at Sylvia Cemañes, ang kanyang kapwa akusado sa child abuse at qualified human trafficking charges.
Sa isa pang operasyon nitong Lunes, sinabi ni Torre na nabigo ang mga pulis na arestuhin si Cresente sa Barangay Tamayong kung saan siya umano nakita.