MANILA, Philippines- Umapela ang Philippine National Police (PNP) sa puganteng televangelist na si Apollo Quiboloy na sumuko na sa mga awtoridad, at sinabing hindi nila alam kung nasaan ito.
Tiniyak ni Police Maj. Catherine Dela Rey, Police Region XI spokesperson, kay Quiboloy na magiging ligtas siya sa kustodiya ng mga pulis.
Ani Dela Rey, ang mga kasong kinahaharap ni Quiboloy– dahil sa umano’y sexual abuse at child abuse– ay bailable, na may karampatang halaga na P200,000 at P80,000.
Nauna nang sumuko ng limang co-accused ng televangelist sa mga kaso sa PNP at sa National Bureau of Investigation. Pinakawalan sila matapos makapagpiyansa.
Ayon sa regional police spokesperson, nakikipag-ugnayan na sila sa iba’t ibang law enforcement agencies tulad ng NBI upang matukoy ang kinaroroonan ni Quiboloy.
“We believe na nandito pa siya sa Pilipinas o nasa Davao Region pa po siya,” wika ng opisyal.
Inihayag pa ni Dela Rey na posibleng dumating sa Davao City ang tauhan mula sa sergeant-at-arms office ng Senado sa mga susunod na araw na may hiwalay na arrest order na inilabas ng Senado.
“[A]ng role naman po ng mga kapulisan doon is to assist the personnel from Office of the Senate Sergeant-at-Arms and ensure the security of the personnel — including the safety and security of Pastor Quiboloy,” sabi ng opisyal.
Patuloy niya, pinaplantsa na ang pagdating ng team ng OSAA sa Davao City at pagbabalik nila sa Pasay City.
Matatandaang sinabi ni Ferdinand Topacio, abogado ni Quiboloy, na gagamitin nila lahat ng judicial remedies kaugnay ng mga kaso ng pastor, at iginiit na “some powerful individuals” ay “hell-bent” sa pagtugis sa kanyang kliyente.
Itinanggi ni Quiboloy ang sekswal na pang-aabuso sa mga babaeng personal assistants o “pastorals”, kung saan sinabi niyang gawa-gawa lamang ng mga ito ang mga akusasyon dahil tinanggihan umano niya ang mga ito. RNT/SA