MANILA, Philippines – Nagbabala ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa pagpirma ng quit claims ng mga pasyente sa ospital.
Ito ay kasunod nang nangyaring insidente sa isang pasyente na 10 taong gulang na lalaki na nagtamo ng second degree burn sa kanyang ari, hita at tiyan matapos sumabog ang surgical gloves na umano’y ginamit ng nursing aide bilang hot compress sa pasyente.
Dahil dito, nakatakdang olipatawag ng Quezon City Prosecutors Office ang kinatawan ng ospital dahil sa kanilang kapabayaan at kasunod ng reklamo ng ina ng bata na si alyas “Jocelyn ” sa NBI.
Habang binayaran ng hospital ang bill para sa burn treatment ng pasyente, tumanggi si Jocelyn na pumirma ng quit claim na hiniling ng ospital na kanyang pirmahan.
Aniya, nakasaad sa dokumento na hindi siya hihingi ng danyos pagkatapos nilang ma-discharged.
Sinabi ni NBI Organized and Transnational Crimes Division chief Jerome Bomediano na dapat masusing naipapaliwanag sa pipirma o signatory gayundin dapat malinaw na naiintidihan ng signatory ang detalye ng dokumento.
Dagdag pa na ang signatory ay hindi napipilitan upang sumang-ayon sa mga tuntunin.
Sinabi naman ni DOH deputy spokesperson Albert Domingo, depende sa sitwasyon, ang mga pasyente ay maaaring magsampa ng reklamo ang sa Professional Regulatory Commission, sa NBI, o sa regulation licensing and enforcement division ng DOH.
Gayunpaman, pinayuhan niya ang mga ospital na dapat silang unang makipag-usap sa mga pasyente at humingi ng paumanhin kapag may aksidente.
Sinabi ni Domingo na dapat resolbahin ang mga reklamo sa pagitan ng mga sangkot na partido para maiwasan ang criminal o civil litigation.
Ayon naman kay Karen Villanueva, presidente ng Philippine Alliance of Patient Organizations, na ang pasyente ay dapat agad na idokumento ang aksidente o anumang reklamo laban sa ospital.
Idinagdag pa na ang pasyente ay may karapatan na sumulat sa pamunuan ng ospital at humiling ng imbestigasyon at aksyon.
Gayunpaman, aminado si Villanueva na maaari itong maging isang nakakapagod na proseso.
Sinabi niya na dapat palakasin ang mga batas sa pagprotekta sa mga karapatan ng mga pasyente dahil ang mga reklamo laban sa mga ospital ay hindi lubusang natutugunan. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)