BULACAN, Philippines – Ayon sa mga opisyal, patuloy na nabubuhay sa mga kagubatan ng Doña Remedios Trinidad (DRT) sa Bulacan ang bihirang bulaklak na Rafflesia lagascae, na kilala sa pulang bulaklak at mabaho nitong amoy.
Sinabi ni Mayor Rolando Flores na posibleng marami pang makikitang Rafflesia sa mga kabundukang barangay tulad ng Sapang Bulac at Kabayunan dahil nananatiling maayos at protektado ang mga kagubatan laban sa ilegal na gawain.
Muling natuklasan ang halaman sa Barangay Camachin ng DENR-CENRO Baliwag at lokal na environment office, dalawang taon matapos ang unang dokumentadong pagkakita rito sa Barangay Kalawakan noong 2022. Naitala ito sa forest assessment mula Abril 14 hanggang 16, at may sukat na humigit-kumulang 17 sentimetro ang bulaklak.
Ayon kay CENRO Baliwag chief Dennis Guevarra, “the presence of Rafflesia indicates a healthy and relatively undisturbed ecosystem.”
Sinabi rin ng DENR na mahalaga ang natuklasan dahil nagpapakita ito ng magandang kondisyon ng kagubatan at nagpapatibay sa pangangailangan ng patuloy na konserbasyon.
Bagama’t lumalago ang interes sa eco-tourism, pinag-aaralan pa ng mga awtoridad kung bubuksan ito sa publiko upang maprotektahan ang sensitibong tirahan ng halaman.
Nanawagan naman ang mga opisyal sa publiko na pangalagaan ang lugar at ang mga bihirang uri ng halaman upang mapanatili ang biodiversity ng bansa. RNT/MND