MANILA, Philippines – Nagpaabot ng pagkabahala si Senador Raffy Tulfo dahil sa bumigay na bahagi ng kisame ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 arrival extension area.
Ang insidente ay nagdulot ng pitong katao na nasugatan.
Nakipag-ugnayan na si Tulfo, chairman ng Senate Committee on Public Services, kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez para alamin ang kondisyon ng mga biktima at masigurong makatatanggap ang mga ito ng tamang tulong.
Dito na iginiit ng senador ang kahalagahan ng mabilis na pagtugon sa mga ganitong insidente at siniguro ang kaligtasan ng mga apektado at makapagbigay ng agaran at sapat na tulong.
Bagamat agad na nagbalik sa normal ang operasyon sa NAIA Terminal 1, nanawagan si Tulfo sa DOTR at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na manatiling proactive sa pagpapatupad ng safety standards sa lahat ng airport facilities sa buong bansa.
Samantala, sinabi ni Lopez kay Tulfo na nagpapatuloy na ang masusing imbestigasyon sa insidente at magbibigay ng update sa oras na magkaroon na ng findings at iba pang impormasyon.
“Investigations are ongoing to determine the cause of the incident. NNIC is working closely with the relevant authorities and will take the necessary action based on the findings,” pahayag ng NNIC kasunod ng insidente.
“NNIC continues to provide all necessary assistance to those involved. The safety and well-being of passengers, airport workers, and visitors remain its top priority,” dagdag pa. RNT/JGC