Home NATIONWIDE ‘Rally for Peace’ ng INC suportado ni Tolentino

‘Rally for Peace’ ng INC suportado ni Tolentino

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng buong pagsuporta si Senator Francis “Tol” Tolentino sa “Rally for Peace” ng Iglesia ni Cristo sa Quirino Grandstand sa Ermita, Maynila.

Ang rally, na naglalayong isulong ang kapayapaan at pagkakaisa sa gitna ng mga tensyon sa pulitika, ay inaasahang dadaluhan ng higit sa 1 milyong miyembro ng INC, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

“This initiative is a timely and vital reminder of the need for unity dialogue, and harmony amidst the challenges our nation faces,” sabi ni Tolentino.

Sinabi ng maimpluwensyang INC na gaganapin ang pagtitipon upang suportahan ang posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang pag-impeach kay Vice President Sara Duterte ay isang pag-aaksaya ng oras ng Kongreso at “hindi magkakaroon ng pagbabago sa kahit isang buhay ng Pilipino.”

Sa katunayan, nagpahiwatig si PBBM sa mga mambabatas noong Nobyembre na huwag ituloy ang mga hakbang para i-impeach si Duterte.

Sinabi rin ng mga pinuno sa Kamara noong buwang iyon na walang talakayan sa mga miyembro ukol sa impeachment.

Gayunpaman, sinabi ng Kamara na tungkulin nitong iproseso ang anumang mga reklamo na maaaring ihain laban sa bise-presidente.

“The Rally for Peace reflects the shared desire of Filipinos for understanding and cooperation, transcending divisions for the common good,” ang sabi ni Tolentino.

Pinupuri ni Tolentino ang INC sa pangunguna sa pagsisikap na ito at pagbibigay inspirasyon sa lahat na magtulungan para sa mas mapayapa at nagkakaisang Pilipinas.

Naniniwala ang INC na ang kapayapaan ay makakamit lamang sa pamamagitan ng pagkakaisa ng mga tao, at ang pagkakaisa na ito ay ang pinakamahusay na maipakikita ng ating mga pinuno.

Sinuspinde ng Malacacanang ang mga klase at trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa mga lungsod ng Pasay at Maynila dahil sa event.

Ang Palace Memorandum Circular No. 76 na inilabas noong Biyernes, ay binanggit na maraming kalahok ang inaasahang maglakbay patungo sa lugar na pagdarausan ng rally bilang pabibigay-katwiran sa suspensiyon.

Inanunsyo ng MMDA ang deployment ng 1,300 tauhan upang pamahalaan ang trapiko at matiyak ang kaligtasan ng publiko sa panahon ng rally.

Samantala, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na may ipakakalat na mga pulis para matiyak ang kaligtasan ng publiko sa panahon ng INC peace rally. RNT