
MAGRERETIRO na si Philippine National Police chief PGen. Rommel Marbil sa Hunyo 7 kaya nalalagay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang mahalagang sangandaan. Pipili siya ng bagong PNP chief na hindi lamang gigiya sa direksyon ng pulisya bagkus ay magbibigay rin ng katatagang pampulitika ng kanyang administrasyon sa harap ng lumalakas na oposisyon.
Apat na heneral ang nasa sentro ng usapin: sina LtGen. Jose Melencio Nartatez, LtGen. Edgar Allan Okubo, MGen. Nicolas Torre III, at BGen. Anthony Aberin. Lahat ay may bituin sa balikat, ngunit ang tanong: Lahat ba ay tapat sa administrasyon—isang katangiang higit na mahalaga sa ngayon.
Si Nartatez, bilang deputy chief for administration, ay likas na may impluwensya. Ngunit ayon sa maraming ulat mula sa loob ng Camp Crame, siya ay iniuugnay na malapit kay Senadora Imee Marcos. Kahit magkapamilya, palaging magkaiba ang paniniwala sa pulitika ng magkapatid na Marcos. Si Imee madalas ay taliwas sa mensahe ng Palasyo.
Iba naman ang ipinapakitang rekord ni Torre. Pinatunayan niyang kaya niyang manindigan, tulad ng pag-aresto sa mga makapangyarihang personalidad gaya nina Pastor Quiboloy at dating Pangulong Duterte. Ang kanyang katapangan laban sa nakasanayang kapangyarihan ay patunay ng kanyang paninindigan sa batas.
Ngunit dahil sa mga high-profile na operasyon ni Torre, marami rin siyang nakaaway—kabilang ang ilang makapangyarihan pa rin. Ang tanong: Lalong bang mahahati ang hanay ng PNP kung siya ang italaga, o mas mapagtitibay ang kontrol?
Naririyan din sina Okubo at Aberin—mga tahimik na nagtatrabaho. Hindi man sila laman ng balita, pinagkakatiwalaan sila sa kanilang mga hanay. Sa panahong mabuway ang pulitika sa bansa, ang kanilang mababang profile ay maaaring maging kalamangan. Wala silang banta sa chain of command at maaari silang maghatid ng katahimikan na kailangan ng administrasyon.
Sa harap ng panalo ng mga oposisyon sa Senado at mga bulung-bulungan ng destabilization, ang susunod na PNP chief ay hindi dapat natitinag ang suporta sa Pangulo. Ang maling hakbang ay magpapalakas sa mga kritiko at magpapahina sa kumpiyansa ng taumbayan sa kakayahan ng pamahalaan na panatilihin ang seguridad.
Hindi maaaring sugalan ni Marcos ang pagpili. Hindi dapat ranggo lang ang batayan. Ang susunod na PNP chief ay dapat “Pulis ng Pangulo”—matibay na kaalyado ng pamahalaan at hindi isang pabago-bagong political wildcard.
Tiwala—hindi haba ng serbisyo—ang dapat maging gabay ng Pangulo. Nakasalalay dito ang kinabukasan ng kapayapaang panloob.