Home NATIONWIDE Mga itatayong evacuation centers tukuyin na sa papalapit na tag-ulan – OCD

Mga itatayong evacuation centers tukuyin na sa papalapit na tag-ulan – OCD

MANILA, Philippines – Dapat na agarang tukuyin ng pamahalaan ang mga evacuation centers na itatayo sa papalapit na tag-ulan, sinabi ng Office of Civil Defense nitong Linggo, Mayo 18.

“Yung evacuation centers, kailangan maghabol-habol tayo diyan kaya lang, hindi yan magiging available within the year, so kailangan paspasan, at least, yung pag identify ng evacuation centers,” pahayag ni OCD administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno.

Ipinunto ni Nepomuceno na ang availability ng property lots at accessibility ay kabilang sa mga pagsubok sa pagtatayo ng evacuation centers.

“Dapat sa gobyerno (ang lupa). Hindi pwedeng bumili ng lupa from the private sector [dahil] mahal at mahaba ang proseso,” ani Nepomuceno.

“Yung pag identify kailangan kakasya yung dinisenyo ng DPWH. Hindi lang yun takbuhan ng tao. Dapat merong study area, lugar para sa nursing mothers, dasalan, may lutuan, at kuryente and tubig,” dagdag pa.

Samantala, sinabi ni Nepomuceno na dapat ding itayo ang mga permanent evacuation center sa mga lugar na apektado ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon dahil maaapektuhan ang mga klase sa mga paaralan na ginagamit bilang evacuation center.

“Yung between four to six kilometers, kailangan mayroon na silang permanenteng evacuation centers na pupuntahan dahil sa 22 evacuation centers, 11 are schools.”

Kasalukuyang mayroong mahigit 8,100 indibidwal ang tumutuloy sa mga evacuation center. RNT/JGC