Home NATIONWIDE Ratipikasyon ng nuclear convention, target ng Senado bago SONA

Ratipikasyon ng nuclear convention, target ng Senado bago SONA

133
0

MANILA, Philippines – Tinatarget ng Senado na iratipika ang apat na pangunahing nuclear convention bago ang ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hulyo.

Sa pahayag, inihayag ito ni Senador Erwin Tulfo at hiniling sa ilang ahensiya na tugunan ang tatlong-buwang timeline.

(c) Cesar Morales

Itinakda ang target sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations nitong Martes na tumalakay sa paglahok sa international nuclear safety and liability frameworks.

“Siguro bago mag-SONA ang Pangulo, tapos na po ‘yan… maibabato n’yo na po sa DFA,” ayon kay Tulfo.

Kabilang sa mga convention na pinag-aaralan ngayon ng pamahalaan ang Convention on Nuclear Safety, Convention on Supplementary Compensation for Nuclear Damage, Protocol Amending the Vienna Convention on Civil Liability for Nuclear Damage, at ang Joint Convention on the Safety of Spent Fuel and Radioactive Waste Management.

Sinabi ni Energy Undersecretary Giovanni Bacordo na apat sa mga protocol ang nasa ilalim na ng proseso, habang isa lamang ang nangangailangan ng concurrence ng 24 government agencies.

“We commit our best effort but we cannot speak again for the other 24 member agencies from which they require their concurrence also,” ayon kay Bacordo.

Kaya hinikayat ni Tulfo ang lahat ng ahensiya na ayusin ang koordinasyon at iminungkahi ang Cabinet-level discussions upang mapabilis ang pag-apruba.

“Hindi ba puwedeng mag-usap-usap sa Cabinet meeting? I think you can do that, right?” aniya.

Inihayag naman ni Department of Foreign Affairs Assistant Secretary Edgar Badajos na maaari nang magsumite ng kompletong dokumento ang ahensiya sa Office of the President kaagad kapag naisumite na ang lahat ng pangangailangan.

“Sa amin po, sir, once we receive the complete package from the lead agency, three to four days, maibabato na po namin sa Presidente,” giit ni Badajos.

— Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here