Home OPINION RD NCRPO ‘NO TAKE POLICY’, OPISYAL SA QC ‘TAKE LIFE’

RD NCRPO ‘NO TAKE POLICY’, OPISYAL SA QC ‘TAKE LIFE’

HINDI naman kaila sa mga iligalista sa Metro Manila na itong si National Capital Region Police Office director PMGen Jose Melencio C. Nartatez Jr. simula nang maupo sa pwesto ay hindi tumatanggap. Sa madaling salita “no take policy” ang pinaiiral nito.

Kaya naman marami ang naniniwala na nag-aambisyon itong si Nartatez na makuha ang pinakamataas na pwesto sa Philippine National Police. Totoo naman. Wala namang opisyal ng PNP na hindi nag-ambisyon na maging hepe ng PNP.

Para kay Nartatez, kailangang ipatupad niya ang tama kung kaya nga pag-upo pa lang niya ay maraming pulis na saliwa ang gawain ang kanyang sinibak sa tungkulin.

Pero para sa RD ng NCRPO, dapat ay tumalima sa kagandahang asal ang mga pulis at hindi dapat makipagsabwatan sa maling gawain. Kaya nga hindi niya patatawarin kapag ang pulis ay gumawa ng kamalasaduhan.

Pero ang hindi alam ni RD, itong isang opisyal ng Quezon City Police District ay madalas na mag-take life o sa madaling salita ay makipagsapalaran sa mga iligalista. Kahit nga iligalista ay pinapapasok niya para sa lingguhang tara o payola.

Ang masaklap pa, itong opisyal na ayon sa ilang Tolits (Tol anong latest), ay may ipinagmamalaki dahil nga marami umano siyang upper class na posibleng magtanggol sa kanya.

Naiirita na sa kanya ang ilang mga negosyante sa Quezon City lalo na iyong mga nasa night club, resto bar, at spa dahil pwersado silang magbigay ng lingguhan. Maliban sa lingguhan, may hirit pa ito kapag birthday niya, birthday ng lola nya, birthday ng nanay nya at maging ng ilang kapitabahay nya.

May mga pagkakataong gamit na gamit niya ang pangalan ng district director. Laging sinasabi niya na “alam ni DD, ang order ay mula kay DD.” Alam ba ni DD ang ginagawa mong pagkuha ng lingguhan sa hindi lang sa mga iligalista subalit maging sa mga parehas ang negosyong pinasok. Binubutasan lang niya.

Ipaalam na dapat ito kay RD upang mapaimbestigahan at kapag napatunayang abusado at nagkasala, aba’y dapat lang talaga na makatikim ng parusa.