MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Vice President Sara Duterte nitong Lunes, Abril 13, ang agarang pangangailangan na tugunan ang literacy crisis sa Pilipinas kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Panitikang Filipino.
Sa isang video message, sinabi ni Duterte na ang panitikan ay hindi lamang anyo ng kultura kundi isang mahalagang “imprastraktura” ng demokrasya na tumutulong upang manatiling mulat, mapanuri, at aktibo ang mamamayan.
“Sa ating pagdiriwang ng Buwan ng Panitikang Filipino, dapat nating kilalanin ang isang mahalagang katotohanan: Ang panitikan ay hindi lamang dekorasyon; ito ay imprastraktura ng ating demokrasya. Ito ang pundasyon kung paano nananatiling tapat, matatag, at gising ang isang bansa,” aniya.
“Ito ang pundasyon kung paano nananatiling tapat, matatag, at gising ang isang bansa. Ngunit ang imprastrakturang ito ay nasa ilalim ng banta,” dagdag pa niya.
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), halos 25 milyong Pilipino ang nahihirapan sa functional literacy—hindi lamang sa pagbasa at pagsulat kundi pati sa pag-unawa at paggamit ng impormasyon sa pang-araw-araw na buhay.
Ipinunto ni Duterte ang mga epekto nito, tulad ng hindi pag-unawa sa tamang paggamit ng gamot o pagpirma sa kontrata nang hindi lubos na nauunawaan ang nilalaman.
Binigyang-diin niya na ang solusyon ay dapat magsimula sa tahanan at hinikayat ang mga magulang na magbasa kasama ang kanilang mga anak.
“Ang solusyon ay nagsisimula sa ating mga tahanan,” aniya. “Ngayong Buwan ng Panitikang Filipino, hinihimok ko ang bawat magulang: Magbasa kayo kasama ang inyong mga anak,” dagdag niya.
Hinimok din niya ang paggamit ng iba’t ibang wika tulad ng Filipino, Ilocano, Hiligaynon, at Bisaya upang mapalakas ang pag-unawa at identidad.
“Magbasa sa Filipino, Ilocano, Hiligaynon, Bisaya—sa kahit anong wika na ginagamit ninyo sa inyong tahanan at komunidad,” ani Duterte.
Pinayuhan din niya ang mga pamilya na gamitin ang mga pampublikong aklatan sa mga lungsod, munisipyo, at barangay.
Ayon pa kay Duterte, mahalaga ang literacy sa pagbuo ng isang mapanuri at maunlad na bansa.
“Hindi tayo makabubuo ng isang bansang mapanuri kung marami pa rin sa atin ang hirap umunawa sa binabasa,” aniya.
“Ang bawat librong binubuksan ay hakbang tungo sa isang mas matalinong mamamayan. Siguraduhin nating nauunawaan ng bawat Pilipino ang mga salitang humuhubog sa ating buhay,” dagdag pa niya.
Matatandaang nagsilbi rin si Duterte bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) mula Hunyo 2022 hanggang Hulyo 2024, kung saan kabilang sa kanyang mga prayoridad ang literacy at mga reporma sa kurikulum. RNT/MND