CEBU, Philippines – Tatlong katao ang nasawi sa magkakahiwalay na insidente ng saksakan at pamamaril sa Cebu at Iloilo, kabilang ang isang barangay tanod na nagtangkang umawat sa isang away, ayon sa mga awtoridad.
Sa ulat, dalawa ang nasawi sa marahas na komprontasyon sa Barangay Tiringan, Janiuay, Iloilo noong bisperas ng pista.
Ayon sa pulisya, habang nakaupo ang isang biktima sa labas ng kanilang bahay ay nilapitan ito ng suspek at sinaksak.
Nagkaroon ng agawan, kaya rumesponde ang isang barangay tanod upang umawat, ngunit sinaksak din siya ng suspek.
Ayon pa sa pulisya, sumali rin ang kapatid ng biktima upang tumulong ngunit siya umano ay inatake rin ng suspek at kalaunan ay pinutukan ang suspek.
“So the reason why there was a stabbing and shooting was due to a past conflict that had already happened,” ayon kay Police Capt. Marlon Perez, hepe ng Janiuay police.
Parehong idineklara na dead on arrival sa ospital ang biktima at ang barangay tanod.
Ayon sa asawa ng biktima, matagal nang may alitan ang mga pamilya, ngunit itinanggi ito ng kampo ng suspek at sinabing ang kapatid ng biktima ang bumaril sa suspek. Isang homemade shotgun umano ang ginamit at isinuko sa pulisya, habang hawak ngayon ng mga awtoridad ang kapatid ng biktima.
Samantala, sa Bantayan, Cebu, isang 26-anyos na babae ang nagpapagaling matapos umanong saksakin ng 20 beses ng kanyang live-in partner. Nahuli ang suspek at haharap sa kasong frustrated murder.
Sa Calinog, Iloilo naman, isang barangay tanod ang napatay matapos saksakin ng hindi bababa sa tatlong lalaki, habang tatlo niyang pinsan ang nasugatan. Patuloy pang iniimbestigahan ang motibo ng mga insidente, kabilang ang selos, kalasingan, at galit. RNT/MND