MANILA, Philippines — Naghain ng reklamo ang RealSteel Corporation laban kay San Simon, Pampanga Mayor Abundio “Jun” Punsalan Jr. sa Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y pangingikil na may kinalaman sa pagbibigay ng tax incentive sa kompanya.
Ayon sa Complaint-Affidavit na inihain noong Agosto 19, 2025 nina Irwin H. Chua at Melodie E. Arellano para sa RealSteel Corp., inirereklamo si Mayor Punsalan ng grave misconduct, serious dishonesty, at conduct prejudicial to the best interest of the service batay sa 2017 Revised Rules on Administrative Cases in the Civil Service (RACCS).
Batay sa reklamo, hinihinalang humingi umano ng ₱80 milyon ang alkalde kapalit ng hindi pagbawi o pagpawalang-bisa ng Municipal Ordinance No. 24-0025, na nagbigay ng tax incentives sa RealSteel Corp. Ipinunto ng kompanya na may banta umanong mawawala ang kanilang benepisyo kung hindi susundin ang hinihinging halaga.
Noong Agosto 5, 2025 bandang alas-5 ng hapon, nagsagawa ng entrapment operation ang mga tauhan ng Intelligence Service ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Café Mesa, Clark Freeport, Mabalacat City, kaugnay ng iniimbestigahang kasong robbery extortion sa ilalim ng Article 293 ng Revised Penal Code at ilang probisyon ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Ayon pa sa reklamo, naganap ang insidente sa pampublikong lugar at naitala sa pambansang midya.
Giit ng RealSteel Corp., pumapasok umano ang mga ikinukwestyong gawain sa depinisyon ng grave misconduct at serious dishonesty, na maaaring humantong sa parusang dismissal sa serbisyo alinsunod sa RACCS.
Kalakip ng reklamo ang Verification and Certification Against Forum Shopping na pirmado nina Chua at Arellano noong Agosto 19, 2025 sa San Juan City, Metro Manila.
Humihiling ang RealSteel Corp. na maimbestigahan at mapatawan ng kaukulang parusang administratibo si Mayor Punsalan matapos ang pagbusisi ng Office of the Ombudsman. RNT