Home TOP STORIES Reclamation project sa Laguna Lake inapela sa Ombudsman

Reclamation project sa Laguna Lake inapela sa Ombudsman

MANILA, Philippines – UMAPELA ang mga residente ng Biñan City, Laguna sa Office of the Ombudsman hinggil sa kanilang reklamo laban sa mga local government official (LGU) ng kanilang lungsod bunsod ng kawalang aksyon umano ng mga ito upang mapatigill ang reclamation project na isinasagawa sa Laguna Lake na isang paglabag umano sa kalikasan at kalusugan sa kanilang komunidad.

Sa kanilang sulat sa Office of the Ombudsman sinabi nina Ferdinand Oberos Tabsing residente ng San Isidro Village, Brgy. Dela Paz, Biñan City, Laguna at Resurrecion Benite Buarao residente ng Zone 7 Wawa Street, Brgy. Malaban, Biñan City, Laguna na sila ay humihiling ng tulong sa Ombudsman upang mabigyan ng karapatan at agarang aksyon ang kanilang reklamo .

Nauna ng nagsampa ng reklamo ang mga residente ng Biñan City, Laguna sa Office of the Ombudsman laban sa kanilang LGU ng lungsod matapos umanong tambakan ng pamahalaang lungsod ng Biñan, Laguna ng walang kaukulang permiso ang mga daluyan ng tubig baha at ang Laguna Lake sa Brgy. Malaban at Dela Paz.

Ayon pa sa apila ng mga residente sa Ombudsman lubha umano silang nagtataka dahil tila hindi umano umuusad ang kanilang reklamo laban sa kanilang mga nakaupong local government official ng lungsod hinggil sa pagtatambak ng lupa sa mga daluyan ng tubig at Laguna Lake na nagiging dahilan ng malawakang pagbaha sa kanilang lugar.

Nauna ng hiniling ng grupo ng environmental group na SEEDS PH (Solidarity for Environmental Development and Sustainability) at mga residente ng Biñan City na mapatigil ang isinasagawang reclamation ng pamahalaang lungsod ng Biñan, Laguna sa Laguna Lake dahil apektado na umano ang kalikasan at kalusugan ng mga residente sa lugar.

Ayon sa environment group na SEEDS PH at mga residente ng Biñan, Laguna simula noong 2019, ang local government unit (LGU) ng Biñan City, ay nagsasagawa ng reclamation activities sa baybayin ng Laguna Lake nang walang kinakailangang clearance mula sa Laguna Lake Development Authority (LLDA) at Environmental Clearance Certificate (ECC) mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Sinabi pa ng grupo na ang kawalan ng wastong clearance mula sa LLDA at ECC ay nagpapahiwatig ng tahasang pagwawalang-bahala sa mga regulasyon sa kapaligiran at sa kapakanan ng komunidad.

Nabatid pa sa grupo na ang mga pagkilos na ito ay nagresulta sa matinding pagbaha, tumatagal ng mga buwan, at nagdulot ng malalaking isyu sa kalusugan sa mga residente, anila. Sinabi nila na ang mga aktibidad sa reclamation ay isinagawa sa ilalim ng pagkukunwari ng “backfilling” para sa umano’y mga proyekto sa pagkontrol sa baha.

Kaugnay nito nauna ng hiniling ng LLDA na itigil ang mga aktibidad sa reclamation hanggang sa maisagawa ang tamang pagtasa ngunit sinasabi ng mga residente na nagpapatuloy ang reclamation, isang paglabag sa R.A. 4850 at iba pang nauugnay na batas. (Santi Celario)