Home NATIONWIDE Reclamation sa Manila Bay, mariing tinutulan ng mga mangingisda sa Navotas

Reclamation sa Manila Bay, mariing tinutulan ng mga mangingisda sa Navotas

3
0

MANILA, Philippines – Sa pagdiriwang ng World Oceans Day noong Hunyo 8, nagsagawa ng protesta ang mga mangingisda sa Navotas laban sa patuloy na reclamation projects sa Manila Bay, sa kabila ng umiiral na suspensyon ng gobyerno.

Pinangunahan ng PAMALAKAYA-Navotas ang pagkilos sa C4 Centennial Park upang tutulan ang ilang proyekto sa baybayin, kabilang ang 650-hektaryang Navotas Coastal Bay Reclamation Project na isinasagawa ng San Miguel Corp. kasama ang lokal na pamahalaan ng Navotas.

Ayon sa grupo, naapektuhan na ang kabuhayan ng mga mussel farmers matapos gibain ang kanilang mga tahungan simula pa noong 2024.

“Higit dalawang taon nang halos walang makain ang aming mga pamilya buhat nang tanggalin ang aming mga tahungan dahil sa reklamasyon. Dapat ibalik ang pangunahing kabuhayan sa dagat at tuluyan nang ipatigil ang mga mapanirang proyektong ito,” ayon kay Romel Escarial, presidente ng Pamalakaya-Navotas.

Iginiit din ng PAMALAKAYA na ang proyekto ay may kaugnayan sa New Manila International Airport sa Bulacan at nagdudulot ng dislokasyon, pagbaha, at pagkasira ng kapaligiran.

Ayon kay Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng PAMALAKAYA, “Nagkukumahog ang PRA na magpatuloy ang reklamasyon at binabalewala ang umiiral na suspensyon at ang pag-aaral ng mga eksperto kaugnay sa masamang dulot nito. Hindi natapos ang pinsalang dulot ng reklamasyon sa kabuhayan ng maraming mangingisda sa Manila Bay. Maging ang mga malaganap na pagbaha sa kalakhang Maynila at mga karatig na probinsya ay dahil sa mga naturang proyekto,”

Binigyang-diin din ng grupo na ang Philippine Reclamation Authority (PRA) ay umano’y patuloy na nagtutulak ng ilang proyekto kahit may suspensyon mula 2023.

Ayon sa pag-aaral ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang reclamation ay nakaaapekto sa daloy ng tubig, nagpapalala ng sediment at polusyon, at nakakasira ng mga bakawan at pangingisdaan.

Tinatayang aabot sa 6,100 ektarya ng bagong lupa ang maaaring mabuo mula sa 21 reclamation projects sa Manila Bay, halos katumbas ng lawak ng Manila at Marikina.

Binanggit din na bagama’t may epekto, nananatiling aktibong pangingisdaan ang Manila Bay, kung saan may nahuhuling 2–4 kilo ng isda kada oras sa ilang bahagi.

Panawagan ng mga mangingisda: ipatigil ang reclamation at ideklarang reclamation-free zone ang Manila Bay upang maprotektahan ang kabuhayan at kalikasan. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here