Home HOME BANNER STORY Regional director ng MARINA sinibak sa paglubog ng MT Princess Empress noong...

Regional director ng MARINA sinibak sa paglubog ng MT Princess Empress noong 2023

MANILA, Philippines – Sinibak sa pwesto ang regional director ng Maritime Industry Authority (MARINA) dahil sa paglubog ng motor tanker Princess Empress na nagdulot ng malawakang oil spill sa Oriental Mindoro at mga karatig-lugar noong Pebrero 2023, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) nitong Miyerkules, Agosto 14.

Sa pahayag, sinabi ng DOTR na sinibak si MARINA Region V Director Jaime Bea matapos mapag-alaman na may pananagutan sa grave misconduct, gross neglect of duty, at conduct prejudicial to the best interest of service.

Ipinaalam ni DOTr Secretary Jaime Bautista kay MARINA Administrator Sonia Malaluan ang dismissal ni Bea sa liham na may petsang Agosto 7.

“We have had sinkings before, but no one has been held to account. This time all parties, whether private or public, will be held accountable. There will be no exception,” ani Bautista.

“Our policy is zero tolerance to shortcuts, official negligence, and disregard of rules. The rule of law, good governance, and best practices must prevail throughout the department and its agencies,” dagdag pa niya.

Wala pang tugon ang regional director kaugnay sa naturang desisyon.

Ayon kay Bautista, si Bea ang pumirma at nag-apruba ng certificate of ownership/certificate ng Philippine Registry ng MT Princess Empress sa “direct contravention” ng rules at procedures.

Aniya, bigong mapanatili ni Bea ang integridad ng mga proseso sa Domestic Shipping Section at maipatupad ang probisyon ng Citizen’s Charter.

Nagbigay-daan ito ara iproseso ni MARINA Regional Office V Engr. Joe Buban ang mga dokumento na labas na sa trabaho nito.

Para kay Bautista, ang aksyon ni Bea ay nagdulot ng milyon-milyong pisong halaga ng pinsala sa pamahalaan.

Matatandaan na lumubog ang MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro noong Pebrero 28, 2023 taglay ang nasa 900,000 litro ng industrial oil.

Nakumpleto lamang ang oil spill recovery operations sa MT Princess Empress noong Hunyo 2023. RNT/JGC