MANILA, Philippines – Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) ang application for accreditation ng mahigit 130 party-lists at political parties para sa 2025 national and local elections (NLE), sinabi ni chairperson George Erwin Garcia nitong Huwebes, Agosto 22.
Ani Garcia, target ng poll body na makumpleto ang pinal na listahan ng mga party-list bago ang pagtatapos ng Agosto at ang pagsasagawa ng raffling ng mga bilang para sa eligible groups pagsapit ng ikalawang lingo ng Setyembre.
“Nira-raffle ‘yan, hindi kumpara sa national and local candidates na alphabetical. Sa party-lists by number, therefore ira-raffle natin ‘yan,” ani Garcia.
“Dapat matapos ang raffle before the end of Septemer dahil sa October 1-8 ay filing of candidacies ng lahat ng party-lists at kandidato,” dagdag pa niya.
Ayon kay Garcia, oobligahin ng Comelec ang eligible party-lists na magpasa ng 10 nominado at hindi na papayagan ang pagpasa ng karagdagang listahan ng mga pangalan.
“Sa guidelines na ilalabas, magre-require ng sampung pangalan lamang na isa-submit sa Comelec. Kapag naubos ang sampung nominees, hindi na tatanggap nang panibagong listahan,” dagdag pa.
Kabilang sa mga karaniwang dahilan sa pagbasura ng registration ay ang kakulangan ng requirements.
“Mahigit 130 so far ang nadi-dimiss ng Comelec na mg application for registration,” ani Garcia.
“Kulang-kulang 200 ang nag-apply at ang na-accredit pa lamang ng Comelec so far ay mga 30 pa lamang. Ito na ang pinakamababa na na-accredit ng commission sa bawat elections since time immemorial,” pagpapatuloy niya.
Nasa 29 kaso at 17 kaso para sa resolution ng kani-kanilang motion for reconsideration ang pending pa sa poll body.
Target ng Comelec na matapos ang resolusyon nito bago ang pag-raffle sa mga bilang at ang listahan ng eligible party-lists at political parties ay ilalagay sa website nito.
Samantala, nagpaalala si Garcia na sa Agosto 30 itinakda ang deadline para sa paghahain ng sworn information update statement. RNT/JGC