Home NATIONWIDE Regulasyon sa tattoo ‘di diskriminasyon – PNP

Regulasyon sa tattoo ‘di diskriminasyon – PNP

MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine National Police (PNP) na ang polisiya para sa “visible tattoo” ay hindi isang uri ng diskriminasyon sa mga taong may tattoo kundi isang regulasyon na sinusunod ng mga miyembro ng police force.

Sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na iginagalang nila ang opinyon ng publiko ukol sa usaping ito subalit ipinaliwanag na ang kautusan sa police officers mula sa paglalagay ng ‘visible unauthorized tattoo’ ay ipinatupad simula pa nang malikha ang PNP.

“However, wala pong policy kapag nakapasok ka na po sa serbisyo ay pwede na pong magpa-tatoo. So, last year po ay nagkaroon po ng technical working group at nagkaroon po ng consultation kung iri-regulate po ba iyong paglalagay po ng tattoo sa ating mga kapulisan,” ayon kay Fajardo.

“This is not, in any way, to discriminate iyon pong mga ibang tao po na mayroon pong tattoo. We will be in agreement doon sa mga nagsasabing iyong paglalagay po ng tattoo is a form of self-expression and freedom of expression,” dagdag ng opisyal.

Gayunman, binigyang-diin ni Fajardo na “it is the position of the PNP, like any other constitutional freedom, [that] this is not absolute.”

Isiniwalat din ni Fajardo na ang konsultasyon ay isinagawa, nagresulta ng consensus na i-regulate ang mga tinatawag na ‘visible unauthorized tattoo’ o iyong nagpo-promote ng ‘extremism, racist, sexist, at indecent tattoos.’

Ang maga awtorisadong tattoo, aniya ay iyong tinatawag na “aesthetic tattoo” gaya ng tattoo sa kilay, eyeliner at bibig.

Nauna rito, nagpalabas ang PNP ng circular noong Abril 20, 2024, nire-regulate ang police officers mula sa pagkakaroon ng ‘visible unauthorized tattoo.’

Sinabi ni Fajardo na hinihintay nila ang mga miyembro ng PNP na ideklara ang kanilang mga tattoo. Kris Jose