Home NATIONWIDE Rehistrasyon ng Pilipinas Babangon Muli bilang Regional Political Party at Party List...

Rehistrasyon ng Pilipinas Babangon Muli bilang Regional Political Party at Party List pinakakansela sa Comelec

MANILA, Philippines- Naghain ng petisyon sa Commission on Elections ang dating miyembro ng Pilipinas Babangon Muli para ipakansela ang rehistrasyon nito bilang Regional Political Party at Party List.

Sa petisyon na inihain ni Atty. Jess Christian Ramirez, hiningi niya sa Comelec ang agarang aksyon at huwag payagan na makasali sa 2025 Midterm election ang PBBM na pinangungunahan ng nominees na sina Ma. Cecilia Badajos, Thomas Benedict Baluga, Karen Acosta, Elena Badajos, Iana Alexis Badajos Garcia, Francis Carl Acosta at Jerald Acosta Dao.

Ginamit ni Atty. Ramirez ang umano’y maraming paglabag ng PBBM sa Party List Law kung kaya’t dapat kanselahin ang rehistrasyon nito.

Kabilang sa mga tinukoy na umano’y paglabag ng PBBM Party List ay nang maghain ito ng aplikasyon bilang Regional Political Party sa CALABARZON gayong ang mga nominado ay hindi naman residente ng Region 4A.

Hindi rin umano ang mga nabanggit na pangalan ang nakarehistro sa Comelec nang maghain ang PBBM ng aplikasyon.

Sa kanilang rehistrasyon, iginiit ng PBBM Party List na ang kanilang principal headquarters ay nasa Taal, Batangas subalit ang mga nominado ay galing ng Abra province, Cagayan de Oro at iba pang lugar gayong ang kanilang isinumite sa Comelec ay dapat eksklusibong kakatawan lamang sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon. Jocelyn Tabangcura-Domenden