MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Commission on Elections na lahat ng survey firms ay dapat magparehistro sa poll body sa panahon ng election period.
Ito ay kasunod ng pag-apruba sa Comelec Resolution No.11117 ng poll body en banc noong Miyerkules.
Sa panahon ng halalan, sinabi ng poll body sa pitong pahinang resolusyon na sinumang tao, natural man o juridical, kandidato o organisasyon na nagsasagawa at nagpapakalat sa publiko ng isang survey sa halalan ay dapat magparehistro sa Political Finance and Affairs Department (PFAD).
Gayunman, mayroong 15 araw ang mga kompanyang nagse-survey para magparehistro sa Comelec.
Ayon sa Comelec, sa nsabing panahon, maaari nilang ipagpatuloy ang kanilang operasyon ngunit ang mabibigo na magparehistro sa ibinigay na panahon ay magreresulta sa suspensyon ng kanilang awtoridad na magsagawa at maglathala ng election surveys.
Ang campaign period para sa national candidates ay nagsimula na noong Pebrero 11 hanggang Mayo 10, dalawang araw bago ang itinakdang NLE elections. Jocelyn Tabangcura-Domenden